MISTULANG hindi natinag ang liderato ng Mababang Kapulungan ng Kongreso sa pag-atras ng Senado sa Charter change (Cha-cha) bagkus ay kumpiyansa ang mga ito na maaamyendahan pa rin ang 1987 Constitution dahil lagpas na umano sa 12 percent ang nakalap na lagda para sa People’s Initiative (PI).
Sa isang panayam, kinumpirma ni Albay Rep. Joey Salceda sobra-sobra na umano sa 3% ang lagdang nakalap sa bawat congressional district sa buong bansa kaya wala na umanong atrasan ang PI.
“Point of no return na ‘yan (PI),” ani Salceda at kahit tanggalin pa umano ang mga pumirma na nagsasabing pinilit lamang sila ay kumpiyansa ito na magtatagumpay ang nasabing inisyatiba para maamyendahan ang 1987 Constitution.
Hindi direktang sinagot ni Salceda ang tanong kung ang mga congressman ang nasa likod ng PI na isa sa mga dahilan kung bakit umatras ang mga senador sa Cha-cha subalit nakasaad umano sa Saligang Batas na isa sa mga paraan para amyendahan ito ay sa pamamagitan ng mga tao.
“Once and for all, why don’t we listen to the people? Let them speak. Bakit kayo takot sa tao?,” Eh ang gagaling naman ninyo ‘di ba 24 kayo, nagkaisa kayo eh ‘di makukumbinsi niyo ‘yung tao magboto ng “no”,” payo pa nito sa mga senador.
Sinabi nito na hindi perpekto at hindi na napapanahon ang 1987 Constitution kaya napag-iiwanan ang Pilipinas pagdating sa foreign investment.
Masyadong protektado umano ng Saligang Batas ang mga elitista sa Pilipinas dahil ayaw papasukin ang mga dayuhang negosyante para malayang mamuhunan sa bansa.
“Noong 1987 nagbukas ang lahat ng bansa, tayo naman nagsarado,” dagdag pa ng mambabatas.
PI Panloloko sa Tao
Hinamon naman ni Senador Ronald Bato dela Rosa ang mga mambabatas na nasa likod ng tinawag niyang Politicians Initiative na amyendahan hindi ang konstitusyon kundi ang anya’y panloloko nila sa mamamayan sa pangangalap ng lagda.
Sinabi ni dela Rosa na malaking panlilinlang ang ginawa sa mga tao para mapalagda sa petisyon na naglalayong amyendahan ang konstitusyon kapalit ng mga suhol.
Iginiit ng senador na hindi nila papayagan at kinokondena nila ang anomang uri ng pagbabanta, pamimilit o panunuhol na maglalagay sa kompromiso sa kinabukasan ng ating bansa at mamamayan.
Nilinaw ni dela Rosa na kinikilala niya ang boses ng publiko sa pag-amyenda sa konstitusyon subalit hindi anya susuportahan ang People’s initiative na pinangunahan naman ng mga politiko.
Tanong pa ng senador kung bakit hindi gamitin ang dalawang paraan sa pag-amyenda ng konstitusyon – ang ConCon at ConAss na kapwa nangangailangan ng partisipasyon ng Senado.
Nananawagan din siya sa publiko na mag-ingat sa mga nilalagdaang dokumento at agad ipaalam sa Senado kung may mga taong mamimilit sa kanila pumirma kapalit ng mga pangako ng ayuda o anomang halaga.
(BERNARD TAGUINOD/DANG SAMSON-GARCIA)
117