MATAPOS YANIGIN ng magnitude 6.8 tremor ang Southern Mindanao na kumitil ng siyam na katao, isang magnitude 5.6 tremor naman ang tumama kahapon sa lalawigan ng Samar, ayon sa ulat ng National Disaster Risk Reduction Management Council at Office of Civil Defense.
Sa inilabas na report, bandang alas-12:57 kahapon ay naitala ng Philippine Institute of Volcanology and Seismology (Phivolcs) ang paggalaw ng lupa.
Sinasabing tectonic ang origin nito at natukoy ang epicenter ng lindol na nasa 16 kilometro ng timog-silangan ng bayan ng Calbiga na nasa lalim na 77 kilometro, ayon sa initial advisory ng Phivolcs.
Sinasabing naramdaman ang Intensity 4 sa Palo, Leyte province, habang nasa Instrumental Intensity 5 naman ang naitala sa Catbalogan City sa Samar.
Inaasahang makararanas pa ng aftershocks bunsod ng nasabing pagyanig.
Samantala, umakyat na sa siyam ang namatay kasunod ng magnitude 6.8 deadly temblor na tumama sa Southern Mindanao matapos na mahukay ang bangkay ng 7-anyos na bata at ng kanyang ina sa Glan, Sarangani, habang isa pa ang namatay nang mabagsakan ng steel structure sa nasabi ring bayan.
Sa General Santos City, isang babae ang namatay nang mabagsakan ng debris mula sa isang mall, habang nadaganan naman ang mag-asawa ng bumagsak na concrete wall.
Nagulungan naman ng malaking bato ang isang matandang lalaki sa Davao Occidental province.
Nilinaw ni Office of Civil Defense (OCD) Deputy Spokesperson Mark Timbal, patuloy ang kanilang validation sa bilang ng mga namatay.
Bukod dito, umabot na rin sa 15 ang naitalang nasugatan habang wala nang nawawala makaraan ang lindol.
(JESSE KABEL RUIZ)
135