DEMILITARISASYON SA SOUTH CHINA SEA, IGIIT SA UN — EX-SOLON

IGINIIT ng isang dating kongresista kay Pangulong Ferdinand “Bongbong” Marcos Jr., na pangunahan ang Joint Resolution sa United Nations para ipatupad ang demilitarization policy sa South China Sea matapos payagan ni dating Pangulong Rodrigo Duterte ang pagtatayo ng pitong (7) military bases sa rehiyon.

Ayon kay Bayan Muna chairman Neri Colmenares, kailangang igiit ni Marcos sa UN na ipatupad ang Article 2, Paragraph 3 sa UN Charter na resolbahin ang problema ng dalawang bansa sa pamamagitan ng mapayapang paraan kabilang na ang pagtatanggal ng puwersa sa pinag-aawayang teritoryo.

“The militarization of the SCS is a threat to regional and international peace and demilitarization diffuses such threat,” paliwanag ni Colmenares.
Dapat aniyang sa UN pumunta si Marcos imbes na sa United States (US), Japan at Australia.

Noong Linggo, Abril 7, nagsagawa ng maritime cooperative activity ang Pilipinas kasama ang US, Japan, at Australia sa exclusive economic zone ng bansa na sinabayan naman ng China sa ‘di kalayuan.

Gayunman, pinaniniwalaang magpapala ng tensyon sa WPS ang nasabing aktibidad.

Kung mayroon aniyang dapat magsagawa ng joint maritime at air patrol sa South China Sea ay ang mga miyembro ng Association of Southeast Asian Nation (ASEAN) lalo na ang mga claimant sa Spratly Island tulad ng Pilipinas, Vietnam, Indonesia, Malaysia at Brunei.

Paliwanag pa ni Colmenares, tulad ng China, nais din ng Amerika na makontrol ang oil at gas resources sa SCS para sa kanilang bansa kaya ang dapat aniyang ang kumilos dito ay ang mga claimant.

(BERNARD TAGUINOD)

48

Related posts

Leave a Comment