HINDI lamang sa sektor ng edukasyon sa bansa ang may krisis kundi maging sa transportasyon.
Ito ang inamin ni Department of Transportation (DOTr) Undersecretary Timothy John Batan sa pagdinig ng House committee on appropriation sa budget ng ahensya sa susunod na taon na nagkakahalaga ng P214.296 billion.
“In certain ranking (sa budget), we rank very low and if that is the basis, yes (may transport crisis),” sagot ni Batan nang tanungin ni Deputy Minority Leader France Castro kung naniniwala ang ahensya na may transport crisis sa bansa.
Ayon sa opisyales, under invested ang sektor ng transportasyon sa nakaraang tatlong dekada lalo na sa railways, kalsada, tulay at iba pang kahalintulad na proyeko.
“Talagang may transport crisis tayo in terms of public transportation,” ani Castro dahil hirap na hirap pa rin ang mga tao sa pagko-commute araw-araw.
Sinabi naman ni Kabataan party-list Rep. Raoul Manuel, hindi mga tao ang gumagalaw sa bansa kundi ang sangkaterbang sasakyan dahil hindi binibigyan ng prayoridad ng gobyerno ang mga proyekto para sa commuters.
Inihalimbawa ng mambabatas ang bike lane projects na bagama’t binigyan ng P705 million ang ahensya para sa nasabing proyekto ay hindi ito ginagastos sa kabila ng pagdami ng mga nagbibisikleta.
“Madame chair, four times ang mga bike owners kesa sa car owners. One in every 3 households ay gumagamit ng bisikleta tapos lahat ng mga Pilipino naglalakad sa pedestrian pero hindi allotted ang budget (ng DOTr) sa facts and reality,” paliwanag ni Manuel.
Dismayado rin ang mambabatas dahil tapos na pandemya ay 35 percent pa lamang sa mga rutang isinara ng Land Transportation Franchising and Regulatory Board (LTFRB) noong kasagsagan ng COVID-19 ay hindi pa ibinabalik.
Kinastigo naman ni Zamboanga Rep. Wilter Palma ang Manila International Airport Authority (MIAA) dahil pinababayaan ang mga overseas Filipino workers (OFWs) na paalis ng bansa imbes asikasuhin dahil sila ang bumubuhay sa ekonomiya sa pamamagitan ng dolyares na ipinadadala nila sa kanilang mga naiwang kaanak.
Ayon sa mambabatas, walang maayos na pahingahan ang mga OFW at nakahiga lang ang mga ito sa lapag habang naghihintay ng kanilang flight.
“Hindi niyo ba nakita na ang daming OFW natin ang nakahiga and yet, we’re telling them they were the modern heroes of the Philippines. Kawawa ang mga OFWs,” ani Palma.
Hindi rin aniya tinupad ng MIAA ang kanilang pangako na maglalagay ng OFW lounge sa Ninoy Aquino International Airport (NAIA).
(BERNARD TAGUINOD)
327