ESPIRITU NG ‘EDSA’ PINASIGLA NG CHA-CHA

MULING ipararamdam ng sambayanang Pilipino kay Pangulong Ferdinand “Bongbong” Marcos Jr., ang espiritu ng EDSA People Power Revolution matapos itong gisingin ng Charter change (Cha-cha).

Ayon kay Gabriela party-list Rep. Arlene Brosas, kung sa mga nakaraang taon ay nilalangaw ang paggunita ng EDSA People Power ay asahan umano ang malakihang mobilisasyon laban sa Cha-cha sa darating na Pebrero 25.

“In fact, magkakaroon ng No to Charter change Action, magkakaroon ng mobilization sa February 25 kaya inaanunsyo na po natin ito ng pagsama-sama ng iba’t ibang No to Cha-cha coalition, No to Cha-cha organizations para iparinig na ibasura ang Cha-cha,” ani Brosas.

Magugunita na noong February 25, 1986 ay napatalsik sa Malacañang ang pamilya Marcos matapos mag-aklas ang taumbayan na tinawag na EDSA People Power revolution.

Gayunpaman, kapansin-pansin na sa mga nagdaang taon ay tumamlay ang paggunita sa nasabing kasaysayan.

Ayon pa kay Brosas, hindi lang People’s Initiative (PI), Constituent Assembly at Constitutional Convention (ConCon) at maging ang Resolution of Both Houses (RBH) No. 6 ay hindi sinusuportahan ng sambayanang Pilipino.

Iginiit naman ni Kabataan party-list Rep. Raoul Manuel na walang makikinabang sa Cha-cha kundi ang mga politiko at ginagamit lamang ng mga ito ang kahirapan sa bansa na dahilan para sa kanilang pansariling interes.

“Patuloy ang pagtutol ng kabataan sa mapanlinlang na People’s Initiative, sa pakanang Cha-cha na galing mismo sa Malacañang, at sa mga naghahari-hariang dinastiyang pulitikal. Kung tunay ngang may demokrasya, dapat taumbayan ang magpapasya,” ani Manuel.

(BERNARD TAGUINOD)

37

Related posts

Leave a Comment