FARMERS GROUP POSITIBO SA ANTI-AGRICULTURAL ECONOMIC SABOTAGE ACT

NANINIWALA ang grupo ng mga magsasaka na magiging batas ang Anti-Agricultural Economic Sabotage Act, na matagal na nilang hinihintay, na magbibigay sa kanila ng pag-asa at liwanag gayundin sa mamamayang Pilipino.

Sa isang media forum nitong Martes, sinabi ni AGAP Party-list Rep. Nicanor Briones, tinatalakay na sa Bicameral Conference Committee ang panukalang batas.

Giit ni Briones, sa Anti-Agri Economic Sabotage Act na ito, dapat alisin ang Bureau of Customs (BOC) at magkaroon ng national council kasama ang Department of Finance, Department of Justice at iba’t ibang sektor ng agrikultura.

Ang nasabing sektor aniya ang magbabantay at titingin para maging epektibo ang batas na ito.

Magkakaroon din aniya ng enforcement group tulad ng National Bureau of Investigation, Philippine National Police, Philippine Coast Guard at anti-money laundering council para mabatid ang mga yumayaman na walang negosyo.

Binigyan diin pa ng mambabatas, hindi maaaring isingit ang BOC dahil walang saysay ang batas na ito tulad sa Anti-Agricultural Smuggling Act, dahil may mga probisyon ito na pabor sa mga smuggler, hoarder, profiteer, at cartel kung saan ang custom ang nangunguna sa nasabing batas.

Paliwanag ni Briones, nahihirapan nang lubos ang mga magsasaka gayundin ang mga konsyumer, dahil dito kaya gumawa sila ng panibagong batas.

Ayon pa kay Briones, walang saysay ang utos ni Pangulong Ferdinand “Bongbong” Marcos Jr. na habulin at panagutin ang mga sangkot sa smuggling ng agricultural products sa bansa kung nariyan pa rin sa council ng bagong batas ang BOC, at walang nasasampolan.

Lumalabas aniya na ilan sa mga ito ay kasabwat kaya walang naparurusahan at nagpapatuloy pa rin ang ilegal na gawain dahil may mga sangkot o nagtatanggol sa mga ito na opisyal at nakaupo sa gobyerno.

“Napakaganda ng batas—ito ang susi at katulad ng ipinangako ng president –dahil gusto niya tulungan ang mga magsasaka at konsyumer”, pahayag ni Briones.

Kumpiyansa ang mambabatas na sa loob ng dalawang linggo ay matatapos ang bicam at mapipirmahan na ng pangulo at makikita na ang kanyang ipinangako.

“Naniniwala ako na magiging batas ito, dapat maunawaan ng lahat sa Kongreso at Senado, na matagal nang hinihintay ito, na dapat mabigyan ng pag-asa ang mga magsasaka,” dagdag pa ni Briones.

(JOCELYN DOMENDEN)

31

Related posts

Leave a Comment