FISHING BOAT NG PINOY BINANGGA NG CHINESE VESSEL

OCCIDENTAL MINDORO – Matagumpay na nasagip ang limang indibidwal matapos umanong banggain ng isang barko ang sinasakyan nilang bangka sa bayan ng Paluan sa lalawigang ito, noong Disyembre 5 ng hapon.

Sakay ng FBCA Ruel J ang mga mangingisda nang banggain ng isang bulk carrier vessel na may flag ng China, ayon sa PCG.

Agad na umaksyon ang Coast Guard Station (CGS) Occidental Mindoro nang makatanggap ng impormasyon hinggil sa insidente nitong Disyembre 6 ng tanghali at nakipag-ugnayan sa may-ari ng bangka sa Puerto Princesa City, Palawan.

Isinagawa ang rescue operation malapit sa Pandan Island, Sablayan kung saan hinila ng Fishing Banca Joker, Fishing Banca Precious Heart at Fishing Banca Jaschene ang nabanggang bangka.

Ayon sa survivors, nasa ‘payao’ ang kanilang bangka nang banggain ng MV Tai Hang 8 at iniwang inaanod habang ang dayuhang sasakyang pandagat ay nagpatuloy sa paglalayag na tila walang nangyari.

Kabilang sa survivors sina Junrey Sardan, Ryan Jay Daus, Bryan Pangatungam, Cristian Arizala, at Joshua Barbas na pawang nakauwi na sa kani-kanilang pamilya.

Nangako naman ang munisipalidad ng Sablayan at Bureau of Fisheries and Aquatic Resources-Sablayan ng karagdagang tulong upang suportahan ang survivors.

Pinayuhan naman ng PCG ang fishing banca na maghain ng marine protest.

Tiniyak din ng PCG na ang insidente ay maipararating sa MV Tai Hang 8 flag state at Port State Control office bilang sa pagsunod sa maritime incident procedures. Ang Coast Guard ay masigasig na nakikibahagi sa pakikipag-ugnayan sa kumpanya ng barko, na naglalayong malaman ang katotohanan sa pangyayari.

(JOCELYN DOMENDEN)

265

Related posts

Leave a Comment