FOOD DELIVERY OWNER, BINARIL HABANG NAKA-LIVE SA FB

SOUTH COTABATO – Patay ang isang small business entrepreneur matapos na pagbabarilin ng hindi kilalang suspek habang nagmamaneho ng kanyang bao-bao o toktok type tricycle sa national highway sa bayan ng Polomolok sa lalawigang ito, noong Lunes ng gabi.

Eksaktong naka-live sa Facebook ang biktima habang bumibiyahe nang ito ay tambangan.

Kinilala ng biktimang si Louie Manansala, 40, tubong Tupi, South Cotabato at may-ari ng isang food delivery business sa General Santos City.

Base sa live video nito sa social media, nagsimula itong mag-live dakong alas-9:12 ng gabi habang tumatakbo mula sa bayan ng Tupi, patungo sa Polomolok, South Cotabato subalit nang halos eksaktong nasa ika-8 minuto ng kanyang pagla-live, laking gulat ng mga nanonood nang marinig ang lima hanggang anim na sunod-sunod na putok ng baril.

Kasunod ito ang pagbangga ng sasakyan ng biktima sa mga steel barrier sa gilid ng highway. Pinagbabaril na pala ang biktima na tinamaan ng bala sa iba’t ibang bahagi ng katawan.

Sa pinakahuling public post nito sa kanyang FB account, dalawang oras bago ang krimen, sinabi nito na: “Gusto magkaroon ng kaaway?!? Magpaurtang ka?!?.”

Patuloy pa ang imbestigasyon ng pulisya at tinitingnan kung may kinalaman ang huling post nito sa nangyaring krimen.

(NILOU DEL CARMEN)

301

Related posts

Leave a Comment