GINANG TINADTAD NG MANUGANG

KALUNOS-LUNOS na kamatayan ang sinapit ng isang ginang matapos pagtatagain ng kanyang manugang sa isang coastal barangay sa Mariveles, Bataan, Martes ng hapon.

Ang biktima ay si Lorna Macayan, 47-anyos habang sugatan naman ang asawa nito na si Jonathan Mahinay, 40-anyos, isang mangingisda.

Sa inisyal na imbestigasyon ng Mariveles police, unang pinagtataga ng suspek na si Toto Catunda ang kanyang biyenang lalaki habang ito ay nagpapahinga sa duyan sa kanilang bahay sa Sitio Pitas Island, Brgy. Ipag dakong alas-5:45 ng hapon.

Bagama’t tinamaan sa ulo ay nagawang makatakbo ni Jonathan at humingi ng saklolo.

Napagbalingan ng suspek ang kanyang biyenang babae at siyang walang habas na pinagtataga.

Sa tindi ng pananaga, naputol pa ang ilang bahagi ng katawan ng ginang.

Matapos ang pananaga, nagtangkang magpakamatay ang suspek at nagpasabog ng isang bigas-bigas o improvised dynamite.

Kapwa isinugod ng mga tauhan ng Mariveles DRRMO ang suspek at biyenan nitong lalaki sa ospital.

Lumalabas sa imbestigasyon na matagal nang may alitan ang pamilya. (NILOU DEL CARMEN)

17

Related posts

Leave a Comment