GRAFT ISINAMPA VS PAGCOR OFFICIALS

SINAMPAHAN ng kasong ‘graft and corruption’ sa Office of the Ombudsman ang limang dating opisyal at dalawa sa kasalukuyang administrasyon ng Philippine Amusement and Gaming Corporation (PAGCOR) at tatlong iba pa, nitong nakalipas na August 31 na kinapapalooban ng P75 milyong halaga ng anomalya.

Ang mga inaakusahan ay kinabibilangan nina dating PAGCOR Chairman Andrea Domingo, former Board Members Gabriel Claudio, Carmen Pedrosa, Reynaldo Concordia, James Patrick; Jewel Castro at mga magulang nitong sina Rizalina and Simplicio Castro.

Kasamang kinasuhan ang bagong PAGCOR Chairman na si Alejandro Tengco at Dianne Erica Jogno, na kanyang Acting Chief of Staff.

Ang kaso ay nagmula sa ilegal na pagkaka-issue ng isang Landbank Check na may halagang P75 milyon sa isang Jewel Castro bilang pagbabalik ng “cash performance bond” na ibinayad ng Kamura Highlands Gaming and Holdings Corp. para sana sa pagpapatakbo ng e-sabong nito.

Ang ilegal na pagbabalik ng ‘cash performance bond’ kay Castro ay nangyari sa panahon ni Domingo at ng mga dating PAGCOR Board Members, noong September 2022, ayon kay PAGCOR Assistant Vice President ng Finance Department Special Funds Lolita Gonzales.

Sina Tengco at Jogno, na dating VP for E-sabong Licensing Department ng PAGCOR E-Sabong Division, ay naisama sa mga nasampahan ng kaso dahil sa kanila umanong pakikipagsabwatan at paglilihim ng anomalya.

Ang dalawa ay nahaharap din sa kasong administratibo sa kanilang paglabag sa Section 5(a) ng R.A. 6713 sa hindi pagsagot sa mga liham na pinadala ng Kamura Highlands Gaming and Holdings Corp. hinggil sa nawawalang ‘cash performance bond.’

Sa walong-pahinang reklamo na isinampa ni Joaquin P. Sy, Chairman of the Board, at Chief Finance Officer ng Kamura, sinabi nito na noong April 04, 2022, siya mismo ang nag-isyu ng kanyang personal na dalawang tseke para pondohan ang nasabing ‘performance bond’ at ibinayad ito sa opisina ng PAGCOR sa Malate, Manila, bilang kinatawan ng Kamura Highlands Gaming and Holdings Inc.

Ngunit, matapos makapaglagak ng performance bond ang kumpanya ni Sy, ipinag-utos ni Pangulong Rodrigo Duterte na itigil na ng PAGCOR ang pagbibigay ng prangkisa at operasyon ng mga E-sabong.

Ito ang nagbunsod kay Sy na sumulat noong May 2022, kay PAGCOR Chairman Domingo na pinadaan kay Dianne Erica Jogno, bilang VP for E-sabong Licensing Department para kunin na ang inilagak na ‘cash performance bond’.

Naka-ilang ulit pa si Sy sa pagpapadala ng liham upang mabawi ang ibinayad na bond hanggang sa isa pang liham ang kanyang ipinadala sa PAGCOR noong July 10, 2023 na naka-address na kay Tengco, bilang bagong PAGCOR Chairman at CEO.

Kasunod nito nagkaroon ng pagkakataon si Sy na makipag-ugnayan sa PAGCOR Finance Department at humarap kay Gonzales, kung saan sinabi ng huli, na wala na ang kanilang P75 million na inilagak bilang cash bond at naibalik na sa isang Jewel Castro na kinatawan ng kanilang kumpanya.

Batay sa sinumpaang salaysay ni Sy, sinabi niya na si Gonzales mismo ang nagkumpirma sa kanya na ang tseke para sa kanilang P75 million cash bond ay naibalik na sa isang nagngangalang Jewel Castro. Ngunit ayaw na ng nasabing PAGCOR official, na dagdagan pa ng ibang impormasyon ang sinabi kay Sy at maging magpakita ng mga dokumento hinggil dito. Idinahilan na lamang ni Gonzales kay Sy na ang nangyari ay isang “exceptional case”.

Batay sa records ng Kamura, noong 2021 si Sy ay naging ‘majority shareholder’ ng kumpanya at noong February 2022 ay naibotong treasurer at chairman of the board, samantalang ang kapatid nito at isa pang kasosyo na si Bernard Parocha ay naibotong namang ‘corporate secretary’ at ‘vice president’.

Ang ina ni Jewel Castro na si Rizalina ay presidente ng Kamura.

409

Related posts

Leave a Comment