Habang milyong Pinoy gutom EDCA BINUBUHUSAN NG PONDO NI MARCOS

HABANG kumakalam ang sikmura ng mamamayang Pilipino, nagsasaboy ng pera mula sa taxpayer’s money si Pangulong Ferdinand “Bongong” Marcos Jr., sa mga proyektong may kinalaman sa Enhanced Defense Cooperation Agreement (EDCA).

Reaksyon ito ni Gabriela party-list Rep. Arlene Brosas kaugnay ng konstruksyon ng 3 kilometrong runway sa Balabac Island sa Palawan na magiging base militar ng Estados Unidos sa ilalim ng EDCA.

“While the government pours millions into constructing runways and hangars for foreign military use, our people are left to grapple with skyrocketing prices and low wages,” pahayag ni Brosas.

Ayon sa mambabatas, ang runway sa Balabac Island ay bahagi ng TIKAS program na binuhusan ng P150 million at aabot umano sa P1.1 billion ang halaga nito kapag natapos.

Ang Balabac Island ay nakaharap sa West Philippine Sea (WPS) at lugar kung saan ginagawa ang Balikatan exercises.

Bukod dito, mayroon din umanong ginagawang imprastraktura sa Mactan-Benito Ebuen Air Base, kasama na ang hangar at fuel depot ng mga eroplanong pandigma ng Amerika.

“Para tayong nagsasaboy ng pera ng taumbayan para sa giyera na hindi naman solusyon sa kumakalam na sikmura ng mamamayan. Dapat ibasura na ang Visiting Forces Agreement at itigil na ang pagpopondo sa war games na ito,” giit ni Brosas.

Hindi aniya katanggap-tanggap dahil mistulang inuuna ni Marcos ang interes ng mga dayuhan kaysa sariling mamamayan na hindi alam kung saan kukuha ng pambili ng pagkain.

(BERNARD TAGUINOD)

35

Related posts

Leave a Comment