MASTERLIST NG GOVERNMENT LANDS PINALILIKHA NI PBBM

IPINAG-UTOS ni Pangulong Ferdinand Marcos Jr. ang paglikha ng inter-agency coordinating council para pag-isahin ang master list ng lahat ng lupain na pag-aari ng estado sa layuning tiyakin ang kanilang pinakamainam na gamit.

Base sa Administrative Order No. 21, nilagdaan ni Executive Secretary Lucas Bersamin noong Abril 30, sinabi ni Pangulong Marcos na mahalaga na pag-isahin ang komprehensibong listahan ng lahat ng government lands “to ensure the efficient and effective allocation and utilization of land resources for the country’s national development goals.”

Isa sa mahalagang estratehiya para magtatag ng matitirhang komunidad gaya ng binanggit sa Philippine Development Plan 2023-2028 ng administrasyon ay ang lumikha ng database na may kumpletong inventory mga nakatiwangwang na lupain ng gobyerno.

Magiging co-chairman ng coordinating council na inatasan na lumikha ng masterlist ay ang mga pinuno ng Department of Environment and Natural Resources (DENR) at Department of Human Settlements and Urban Development (DHSUD).

Ang hepe ng Department of Agrarian Reform ang magsisilbi naman bilang vice chairperson.

(CHRISTIAN DALE)

55

Related posts

Leave a Comment