HIGIT 50K CUSTOMERS AT EMPLOYEES DATA NG LTO, NAG-LEAK?

TIKOM ang bibig ng Land Transportation Office (LTO) sa mga kumakalat na isyu sa social media na nagkaroon umano ng security breach sa information technology (IT) platform nito na Land Transportation Management System (LTMS) na dinevelop ng kanilang banyagang IT provider.

Sa isang Facebook post ng IT expert na si Art Samaniego, nabunyag na nasa 45,008 customer credentials at 8,442 na datos ng ilang kawani ng LTO ang posibleng nakompromiso dahil sa isang leak. Dagdag pa ni Samaniego, nai-report na ang naturang leak sa Department of Information and Communications Technology (DICT) na kasalukuyang iniimbestigahan ang pangyayari.

Nabanggit din ang posibleng LTO data breach sa Facebook post ng Deep Web Konek (DWK), isang grupo ng cyberthreat intelligence advocates na may higit 11,000 followers, sa kanilang page.

Ayon sa DWK, isang report ang kanilang natanggap na nasa 34 gigabyte (GB) na halaga ng LTO data ang posibleng nakompromiso dahil sa leak. Nakatanggap din umano sila ng isa pang ulat kaugnay ng data breach na may sample pa galing sa isang LTO Regional Office.

Ngunit nilinaw nina Samaniego at ng DBK na patuloy pa nilang bineberipika ang mga natanggap na report.

Matatandaang ang kontrobersyal na LTMS project na nagkakahalaga ng P3.14 bilyon na layong i-digitize ang mga proseso sa LTO ay na-award sa isang joint venture ng banyagang IT provider na Dermalog at tatlong lokal na kumpanya: Holy Family Printing Corp., Microgenesis, at Verzontal Builders, Inc. noong Mayo 2018.

Kamakailan ay nagpahayag ang Supreme Court (SC) na malapit na nitong ilabas ang desisyon sa isang petisyon na naglalayong ipawalang-bisa ang kontrata ng gobyerno sa Dermalog para sa LTMS project.

Ayon sa mga petitioner na sina Atty. Jose Carlito Montenegro at Gerald Domingo, depektibo ang LTMS at posibleng maging banta sa national security kung magkakaroon ng breach sa mga personal na impormasyon ng mga kliyente ng LTO. Hindi pa rin daw tapos ang proyekto kahit overdue na ito kaya hindi nagagamit ng husto ng LTO ang LTMS dahil sa ilang kakulangan sa disenyo nito.

Bukod sa kanselasyon ng kontrata, hiniling din nina Montenegro at Domingo na i-blacklist ang Dermalog upang hindi na muling makasali sa iba pang proyekto ng gobyerno. Dapat din daw na magsampa ng kasong kriminal at administratibo ang LTO laban sa mga personalidad na sangkot sa LTMS project.

Nagsagawa na rin ang House committee on transportation ng ilang pagdinig kaugnay ng mga iregularidad sa LTMS project, partikular na sa mga obserbasyon ng Commission on Audit (COA) kabilang na ang pagkaantala ng proyekto, advance payments, legalidad ng kontrata, at maging ang posibleng kaugnayan ng Dermalog sa ibang third-party providers na nagseserbisyo rin sa LTO.

(RUDY SIM)

42

Related posts

Leave a Comment