CAVITE – Patay ang isang hinihinalang holdaper habang arestado ang kasama nito makaraang barilin ng isang miyembro ng Philippine Navy (PN) na kanilang tinangkang holdapin sa Imus City, nitong Biyernes ng madaling araw.
Namatay noon din ang suspek na si Abraham Banawa y Bello, nasa hustong edad, residente ng Brgy. Buhay Na Tubig, Imus City, matapos barilin ni Marvin Salamat Celis, 33, miyembro ng PN.
Habang arestado naman ang umano’y kasabwat ng suspek na si Rohclem Maligaya y Maligalig, 37, ng Brgy. Malagasang 1G, Imus City.
Ayon sa ulat ni Police Staff Sergeant Edilberto M. Reyes ng Imus City Police, dakong alas-2:10 ng madaling araw nang mangyari ang insidente sa Block 2, Lot 26, Phase 3 Annex, Green Estate Subdivision, Brgy. Malagasang 1G, Imus City.
Habang pwersahang kinukuha ng mga suspek ang body bag mula sa katawan ng biktima ay naagaw ng huli ang baril ni Banawa naging dahilan upang mapaputukan ito na nagresulta sa pagkamatay nito.
Hindi na rin nakawala ang kasama nito na si Maligaya na ngayon ay nasa kustodiya na ng pulisya.
(SIGFRED ADSUARA)
143