HOUSE PROBE ITINULAK SA PROBLEMA SA NAIA

HINDI lang daga, surot at ipis ang ‘peste’ sa Ninoy Aquino International Airport (NAIA) terminals kundi mahabang pila sa immigration counters at matinding trapiko sa palibot ng paliparan.

Ito ang tinurang ni OFW party-list Rep. Marissa Magsino kaya naghain ito ng resolusyon na nag-aatas sa mga kaukulang komite sa Kamara na magsagawa ng imbestigasyon sa tila lumalalang problema sa NAIA.

Sa kanyang House Resolution (HR) 1651, nais nitong ipatawag ang mga opisyales ng Manila International Airport Authority (MIAA), Department of Transportation (DOTr), Department of Tourism (DOT), Bureau of Immigration (BI) dahil sa mga problema sa NAIA.

Ginawa ng mambabatas ang pahayag matapos mag-viral sa social media ang pagkakaroon ng surot, daga at ipis sa paliparan na karagdagang dagok aniya sa bansa lalo na’t binansagan ang NAIA bilang worst airport sa mundo.

“Bugbog na yun imahe ng ating bansa bilang tourism destination dahil sa paulit-ulit na isyu sa NAIA na siyang main gateway ng ating turismo, at isa ding mahalagang susi sa ating labor migration bilang pinto ng migration corridors sa pagitan ng Pilipinas at mga host countries,” ani Magsino.

Kailangan din aniyang pagtuunan ng pansin ang problema sa mahabang pila sa immigration counters na halos hindi gumagalaw at ang siksikan sa loob ng paliparan na naging dahilan kaya maraming flight ang nade-delay.

Palala rin umano nang palala ang trapiko sa paligid ng NAIA na tila hindi nasosolusyunan ng MIAA sa kabila ng P3 billion income ng mga ito noong 2023 mula sa terminal fees, concession privileges at aeronautical fees.

(BERNARD TAGUINOD)

56

Related posts

Leave a Comment