‘ICE ROOM’ SA BI JAIL P50K MONTHLY

(SAKSI NGAYON NEWS TEAM)

MAGKAKAROON ka ng normal na pamumuhay kahit nakakulong sa piitan ng Bureau of Immigration (BI) sa Camp Bagong Diwa, Taguig City kung may panggastos ka para sa buwanang ‘lagay’ sa mga tiwaling tauhan ng BI.

Ito ang ipinaabot na sumbong sa SAKSI Ngayon mula sa ilang concerned citizen na saksi kung paano umano pagmalupitan ang mga inmate na walang pera sa nasabing piitan.

Ayon sa source ng SAKSI Ngayon, malubha ang korupsyon at kalupitang dinaranas ng mga bilanggo sa nasabing piitan.

Bilang patunay, nagbigay ng kopya ng mga larawan ang source para ipakita kung paano nagdurusa ang mga dayuhang walang pera habang buhay hari ang mga sagana sa pera.

Makikita sa isa sa mga larawan ang kalunos-lunos na kalagayan ng dayuhan na hubo’t hubad na nakahiga sa kanyang maliit at mabahong selda katabi ng palikuran.

Habang sa iba pang larawan, makikita na nagsusugal ang ilang inmate na kayang tumaya.

Ayon sa source, hindi makatao ang pamamalakad ng kasalukuyang jail warden na si Leander Catalo para sa mga nakapiit dito na walang sapat na salapi.

Ang inmate aniya na gustong magpalamig ay maaaring mamalagi sa tinaguriang ‘ice room’ pero kapalit nito ay P50,000 kada buwan.

Sumbong pa sa pahayagang ito, umuubos ng 150 hanggang 200 sako ng yelo kada araw para gamitin sa ice room.

Ang kalakaran umano sa ice room, itinatapat ang electric fan sa sangkatutak na yelo kaya lumalamig ang kwarto na animo’y may aircon.

Hindi lang ice room ay tinatamasa ng mga inmate na may pera kundi nakakakain din sila ng masasarap na pagkain, nakapagbibisyo tulad ng sugal at iba pa.

Umaasa ang source na sa kanyang pagbibisto sa tiwaling gawain sa BI Jail ay mabibigyan ng atensyon ng mga awtoridad ang kalagayan ng mga inmate doon.

102

Related posts

Leave a Comment