ILEGAL NA KALAKARAN SA NEW BILIBID PRISON, PINALULUSOT NG ISANG ‘CONSULTANT’?

ITINURO ang isang consultant ng Bureau of Corrections (BuCor) na siyang nagpapalusot ng mga ilegal na kontrabando sa New Bilibid Prison (NBP).

Inirereklamo umano ng mga inmate ang hindi pinangalanang consultant na pinaniniwalaang dahilan kaya hindi nakararating sa kanila ang mga padalang ‘cashless transaction’ ng kanilang mga kamag-anak.

Ayon sa reklamo ng mga kamag-anak ng PDLs, isang nagpakilalang ‘consultant’ ng BuCor ang kalimitang binabanggit nila na naghahari-harian sa loob ng NBP na tila hindi alam ni BuCor Director General Gregorio Pio Catapang Jr.

Sa ilang larawan na ipinadala ng isang source ay makikita na malayang nakagagalaw habang nag-iinuman ang mga bilanggo sa loob ng selda sa kabila na mahigpit na ipinagbabawal ang ganitong gawain. Bukod dito, may larawan din na tipak-tipak na itsura ng umano’y shabu na umano’y naipuslit sa loob ng selda.

Bukod dito, ang inirereklamong ‘consultant’ ay nauuna rin daw sa pagpapatupad ng patakaran sa BuCor gayong hindi naman siya opisyal ng ahensiya kundi isang ‘tagapayo’ lang ni Catapang.

Simula nang manungkulan si DG Catapang ay nagkaroon ng tunay na pagbabago sa BuCor dahil sa maayos na pamamalakad, mga programa at hindi ‘ipinagkait’ ang ‘karapatan’ ng mga taong pinagkaitan ng kalayaan.

Ang libo-libong PDLs na pinalaya sa panunungkulan ni Catapang ay bumuhos ang kagalakan dahil nagkaroon pa sila ng pagkakataon na magbagong buhay sa tulong ng Department of Justice at iba pang ahensya ng gobyerno.

Ang repormang ito na tinatahak ng BuCor ay parang bula na maglalaho kung patuloy na sisirain ng mga ‘anay’ na nakapaligid kay Catapang ang kanyang nasimulang pagbabago.

(DANNY BACOLOD)

255

Related posts

Leave a Comment