Kailangan nang rendahan – Chiz BBM SINISIRA NA NI MARTIN

(SAKSI NGAYON NEWS TEAM)

ORAS na para rendahan ni Pangulong Ferdinand Marcos Jr. ang pinsang si House Speaker Martin Romualdez dahil nakaaapekto na sa kanyang administrasyon ang mga ginagawa nito.

Para kay Senador Chiz Escudero, dapat itali muna ni Marcos si Romualdez para matigil na rin ang bangayan ng Senado at Kamara.

Aniya, nakita naman ang mga mapanganib na maaaring gawin ni Romualdez kapag hinayaan itong gawin ang mga gusto.

Kasabay nito, iginiit ng senador na tanging si Pangulong Marcos Jr., lamang ang makapagpapahinto sa bangayan ng mga senador at mga kongresista.

Kamakailan ay hinimok ni Marcos ang dalawang kapulungan na magkasundo ngunit hindi natigil ang pagbabangayan ng mga ito.

Giit ni Escudero, hinihimok ni Pangulong Marcos ang dalawang kapulungan na mag-ceasefire pero kung ang sarili nitong pinsan at kaalyado ay hindi makikinig, papaano naman susunod ang ibang mambabatas na hindi kaanak o walang kaugnayan sa presidente.

Nag-ugat ang alitan ng mga senador at kongresista sa isinulong na people’s initiative ng huli.

Sinumbatan

Kaugnay nito, isinumbat ng isang mambabatas sa Kamara sa mga senador ang nagawang tulong ng mga district at party-list congressmen tuwing eleksyon kaya nanalo ang mga ito.

Sa manifestation ni TGP party-list Rep. Jose “Bong” Teves Jr., sa House Resolution (HR) 1562 na kumukondena sa mga pag-atake umano ng Senado sa Mababang Kapulungan partikular na kay House Speaker Martin Romualdez, ipinaalala nito ang tulong ng congressmen sa mga senador tuwing eleksyon.

“Gusto ko din pong paalalahanan ang ating mga kaibigang Senador na kayo ay lumapit din sa mga district at party-list congressmen para humingi ng tulong tuwing kayo ay tumatakbo bilang senador. Sana wag niyong kalimutan na bahagi po kami sa inyong panalo,” ani Teves.

Dahil dito, hindi aniya katanggap-tanggap ang pag-atake ng Senado sa Kamara gayung tulad ng mga senador ay halal din ng bayan ang mga kongresista at dapat nagtutulungan ang mga ito para sa kapakanan ng bayan at mamamayan.

Ang HR 1562 na pinamagatang “Resolution expressing unwavering solidarity and support to the leadership of the Honorable Speaker Ferdinand Martin G. Romualdez, and upholding the integrity and honor of the House of Representatives in the face of intense assault from the Senate in violation of the principle of inter parliamentary courtesy and undue interference in the performance of its legislative and constituent functions” ay sinuportahan ng 287 congressmen.

Agad binakbakan sa Senado ang nasabing resolusyon kung saan itinatanggi ng mga senador na inaatake ng mga ito ang Kamara.

Gayunpaman, sinabi ni Senior Deputy Speaker Aurelio “Dong” Gonzales Jr., na siyang nanguna sa nasabing resolusyon, binato ng ilang senador ang Kamara ng mga walang basehang alegasyon sa isyu ng People’s Initiative (PI).

Nag-abstain naman ang Makabayan Bloc congressmen sa nasabing resolusyon dahil hindi lang pagsuporta sa liderato ni Romualdez ang layon nito kundi pagsusulong sa Charter change (Cha-cha) na wala anilang idudulot na kabutihan sa mamamayan.

(May dagdag na ulat si BERNARD TAGUINOD)

32

Related posts

Leave a Comment