MABAHONG AMOY NG ESTERO SA MAYNILA INIREKLAMO

INIREKLAMO ng isang barangay sa Maynila ang mabahong amoy na nagmumula sa Estero de San Antonio Abad na nakakaapekto na sa pamumuhay ng mahigit 300 residente.

Sa panayam kay Chairman Mark Delfin ng Barangay 718, Zone 78, taong 2019 pa nang mangamoy ang estero ngunit hindi nila ito pinansin dahil puno pa ng basura.

Gayunman, nang simulan ng pamunuan ng Department of Environment and Natural Resources (DENR) ang paglilinis sa estero, hindi pa rin naalis ang nakasusulasok na amoy hanggang sa hawakan naman ng Laguna Lake Development Authority (LLDA) ang pagsasagawa ng pagsusuri.

Dito natuklasan na ang dumadaloy na dumi o katas sa estero ay nanggagaling sa malaking tubo mula sa katabing unibersidad matapos itong magpositibo sa resulta sa isinagawang pagsusuri at pagsisiyasat ng LLDA.

Ayon kay Chairman Delfin, noong una ay itinanggi ng pamunuan ng unibersidad ang sitwasyon ngunit hindi na rin naitanggi nang ilabas ng LLDA ang resulta ng pagsisiyasat at isinisisi naman ng unibersidad sa Maynilad ang sitwasyon.

Sa pagsusuri din ng DENR, lumabas na positibo sa coliform ang water sample na kinuha mula sa nasabing estero.

Ayon kay Chairman Delfin, may nakatakda silang pagpupulong kasama ang DENR at LLDA upang mabatid kung paano masolusyunan ang matagal na nilang problema hinggil sa mabahong amoy sa estero.

Umaasa rin ang barangay na aaksyunan din ito ng pamunuan ng unibersidad lalo pa’t kalusugan at kabuhayan ng mga residente ang lubos na naapektuhan.

(JOCELYN DOMENDEN)

39

Related posts

Leave a Comment