KAMARA SINUGOD NG MGA ANTI-CHA-CHA

DAAN-DAANG rallyista ang sumugod sa Mababang Kapulungan ng Kongreso kahapon para tutulan ang economic Charter change.

Habang sinusulat ito, naghahanda pa lamang ang liderato ng Kamara para isalang sa ikatlo at huling pagbasa ang Resolution of Both Houses (RBH) No.7 na sigurado nang aaprubahan.

Mag-aalas tres ng hapon nang dumating sa harapan ng Batasan Pambansa ang mga rallyista mula sa iba’t ibang sektor ng lipunan tulad ng sektor ng paggawa, estudyante at mga magsasaka.

Ngunit mistulang pinaghandaan ito ng Philippine National Police (PNP) matapos mag-deploy ang mga ito ng sangkaterbang pulis na nagbantay, hindi lamang sa loob kundi maging sa labas ng Batasan Pambansa Complex.

Kapansin-pansin na mahigpit na binantayan ng mga pulis ang South Gate kung saan isinagawa ang kilos protesta at maging ang North Gate.

Senado ipe-pressure

Samantala, inamin ni Deputy Speaker David Suarez na may grupong kumikilos para kausapin ang mga senador na ipasa agad ang RBH No.6 bago magdesisyon kung idideretso nila ang RBH No.7 sa Comelec.

“Mag-uusap muna kami. Mag-uusap muna kami tapos malaman natin kung ano yung proper course. Kasi yung iniiwasan natin dito ay dumami yung mga constitutional challenges,” ani Suarez sa press conference kahapon.

“Kasi ngayon pa lang hindi pa po namin inaaprubahan ito on third and final reading, ang dami na nagsabi na ang daming constitutional questions that will be raised and that will be addressed and forwarded to the Supreme Court once approved,” dagdag pa nito.

Dahil dito, kailangan aniyang kausapin muna nang masinsinan ang mga senador at pakiusapan ang mga ito na huwag paabutin sa Oktubre ang pagpapatibay sa RBH No.6 upang hindi maisabay sa 2025 elections ang plebesito sa eco Cha-cha.

(BERNARD TAGUINOD)

36

Related posts

Leave a Comment