NAHAHARAP sa patong-patong na kaso ang isang konsehal ng Lopez, Quezon dahil sa reklamong panggagahasa sa 18-anyos na pamangkin ng kanyang live-in partner.
Kinilala ni Quezon police director Col. Joel Villanueva ang inaresto na si Municipal Councilor Arkie Manuel Yulde, residente ng Brgy. Burgos sa nasabing bayan.
Ayon kay Villanueva, si Yulde ay inaresto sa kanilang bahay dakong alas-7:30 kamakalawa ng gabi ng mga operatiba ng Criminal Investigation and Detection Group (CIDG) sa pamumuno ni Lt. Col. Ariel Huesca, mga elemento ng Lopez at Catanauan Municipal Police stations, 1st Quezon Provincial Mobile Force Company at Regional Mobile Force Battalion.
Ang pag-aresto ay ginawa sa bisa ng dalawang warrants of arrest na inilabas ni Judge Roselyn C. Andrada-Borja, presiding judge ng Regional Trial Court Branch 53 sa Rosales , Pangasinan.
Base sa record ng korte, si Yulde ay nahaharap sa mga kasong paglabag sa Section 5 (b) Article 111 of Republic Act 7610 docketed under Criminal Case No. 7344-R; at kidnapping and serious illegal detention with rape sa ilalim ng Criminal Case No. 7345-R.
Ang nasabing mga kaso ay walang inirekomendang piyansa para sa kanyang pansamantalang paglaya.
Matatandaan na si Yulde ay inakusahan ng isang alyas Weng ng paulit-ulit na panggagahasa habang siya ay ikinulong umano ng konsehal mula Abril 17 hanggang Abril 22 ngayong taon sa isang hotel sa bayan ng Rosales.
Ang biktima ay tinulungan ng grupo ni Professor Salvador Singson-de Guzman, chairman ng Citizens Movement Against Corruption, Crime, Illegal Drugs and Gambling, Inc. para sa pagsasampa ng kaso sa Provincial Prosecutor’s Office sa nasabing bayan noong Mayo 14.
Nabatid na si Wena ay pamangkin ni Cynthia Alvarida, na umano’y live-in partner ni Yulde kung saan sila nagsasama sa kanilang inuupahang bahay sa Brgy. San Jose, Rodriguez, Rizal.
Ang ina ng biktima ay nakatatandang kapatid ni Cynthia at nagsilbing kasambahay nina Yulde mula Pebrero 12, 2021 at 17 taon pa lamang umano si Wena nang simulang abusuhin ng konsehal.
Sa sinumpaang salaysay ng biktima noong Abril 15, 2021, nagpaalam umano ang biktima sa tiyahin na si Cynthia para umuwi sa kanilang lalawigan sa Abra dahil nangako siya sa kapatid na magdiriwang ng kaarawan at pinayagan naman siya ng kanyang tiyahin.
Umaga ng Abril 17 habang nag-aabang ng masasakyan pauwi sa kanilang lalawigan ang biktima ay inalok umano siya ni Yulde na sumakay sa kanyang itim na sasakyang pick-up para ihatid siya sa terminal sa Cubao.
Sa halip na ihatid sa terminal, dumiretso sila sa isang hotel sa Rosales, Pangasinan at doon umano naganap ang paulit-ulit na panghahalay mula Abril 17 hanggang Abril 21.
(CYRILL QUILO)