KONSEHAL PATAY SA TANDEM SA NUEVA ECIJA

PATAY ang isang konsehal ng bayan ng San Antonio sa lalawigan ng Nueva Ecija matapos na tambangan ng riding in tandem gunmen noong Huwebes ng umaga.

Ayon sa inisyal na imbestigasyon ng San Antonio PNP, pasado alas-syete, maghahatid ng apo ang biktimang si Konsehal Roberto Carpio sa Jose Lapus High School, nang tambangan ito ng mga suspek na magka-angkas sa motorsiklo.

Sinabi ni Maj. Rommel Nabong, hepe ng San Antonio Police Station, sinundan ng mga suspek ang motorsiklo ng biktima at nang maabutan ay pinagbabaril ito.

Tinamaan ng tatlong bala sa ulo at katawan ang konsehal na siyang ikinamatay nito.

Hindi naman nasaktan ang kanyang apo na angkas nito sa motorsiklo.

Patuloy pa ang imbestigasyon ng pulisya at inaalam ang pagkakakilanlan ng mga suspek at kung ano ang motibo sa krimen.

Nakatakdang bumuo ng Special Task Investigation Group ang mga awtoridad para sa mas mabilis na pagresolba sa nangyaring pamamaril sa konsehal.

Si Carpio ay 2nd termer na konsehal sa bayan ng San Antonio sa Nueva Ecija.

(NILOU DEL CARMEN)

30

Related posts

Leave a Comment