HINDI magpapapigil ang Pilipinas sa pagtatayo ng mga pasilidad sa West Philippine Sea (WPS) sa kabila ng patuloy na pangha-harass at pambu-bully ng China sa Philippine Coast Guard (PCG) at mga Pilipinong mangingisda.
Ayon ito kay Makati Rep. Luis Campos Jr., matapos kumpirmahin na naglaan ang Kongreso ng P800 million para sa pagpapatayo ng bagong shelter port sa Lawak Island sa ilalim ng 2024 General Appropriations Law.
“The sum for the Lawak shelter port is itemized in the 2024 Maritime Transportation Infrastructure Program,” ayon sa mambabatas at ang Department of Transportation (DOTr) aniya ang magtatayo ng nasabing pasilidad.
Mahalaga aniya sa mga mangingisdang Pinoy ang itatayong shelter port sa Lawak Island na bahagi ng munisipalidad ng Kalayaan Islands Group dahil dito sila nagkakanlong kapag masama ang panahon.
“The P800 million for the Lawak shelter port is on top of, and separate from, the P1.5 billion for the expansion of the airport on Pag-asa Island,” dagdag pa ng mambabatas.
Nabatid na may lawak na 7.93 ektarya ang Lawak Island na 157 kilometro lamang ang layo sa Pag-asa Island na 37.2 ektarya naman ang lawak at malimit na pinalilibutan ng Chinese Coast Guard at Navy.
Bukod sa Pag-Asa at Lawak Island, bahagi ng Kalayaan Island Group ang mga isla ng Likas, Parola, Kota, Patag, Panata, Balagtas Reef, Rizal Shoal at Ayungin Shoal kung saan nakadaong ang BRP Sierra Madre na binabantayan ng mga sundalo.
(BERNARD TAGUINOD)
119