Kontrata sa e-lotto hokus-pokus? MARCOS NGANGA KAY ROBLES

HARAP-HARAPANG binalewala ni Philippine Charity Sweepstakes Office (PCSO) General Manager Mel Robles si Pangulong Ferdinand “Bongbong” Marcos Jr., nang solohin nito ang desisyon na ituloy ang online lotto o e-lotto.

Ayon kay Surigao del Norte Rep. Robert Ace Barbers, matinding pagbalewala ang ginawa ni Robles kay Marcos nang ituloy nito ang kontrata sa Pacific Online Systems Corporation (POSC) na walang basbas ang Pangulo at hindi rin pabor ang Office of Government Corporate Counsel (OGCC).

Sa ilalim ng PCSO at POSC contract, napagkasunduan na magkaroon ng isang taong test-run sa e-lotto at babayaran ng 14% na komisyon ang kumpanya mula sa benta ng e-lotto imbes na resonableng return of investment sa operating costs, ayon sa mambabatas.

Nilabag umano ni Robles ang sariling batas ng PCSO nang balewalain nito ang legal opinyon ng OGCC na dapat anim na buwan lamang ang test run at hindi babayaran ng 14% ang POSC.

Nabatid kay Barbers na tumaya umano sa e-lotto ang nanalo ng mahigit P600 million draw noong Enero 16, 2024.

Ang PCSO ay nalagay sa kontrobersya matapos magreklamo ang isang winner dahil nakilala umano ito nang ilabas ang kanyang larawan habang tinatanggap ang tseke kaya muling nakalkal ang 433 mananaya na naghati-hati sa P236 jackpot prize noong nakaraang taon na pinagdudahan ng mga tao dahil sa Pilipinas lang nangyari.

Bukod dito, mahigit isang bilyon piso umano ang napanalunan sa loob ng tatlong linggo kaya nawawala na ang tiwala ng mga tao sa PCSO.

“Now, people apparently distrust the whole system. Without them betting, how can PCSO raise funds for the poor Juan dela Cruz who needs medicine, food and government care? PCSO’s credibility is now tainted because of poor management,” ani Barbers na nasa likod ng House Resolution (HR) 1547 para imbestigahan ang e-lotto contract na pinasok ni Robles.

Samantala, nakiayon din si Cagayan de Oro City Rep. Rufus Rodriguez kay Barbers sa panawagan na magbitiw si Robles dahil bukod sa pagsuway sa Kongreso ay hindi umano nito pinoprotektahan ang mga kabataan lalo na ang mga paslit nang ituloy nito ang operasyon ng e-lotto.

Dismayado rin si Rodriguez dahil imbes tutukan ni Robles ang mandato nito na charity works lamang gamit ang traditional revenue-raising projects ay nagpo-promote pa umano ito ng ibang porma ng sugal.

(BERNARD TAGUINOD)

40

Related posts

Leave a Comment