Lagda na lang ng PNP chief kulang MULTI-MILLION ARMAS NI QUIBOLOY ITUTURING NA LOOSE FIREARMS

ITUTURING nang loose firearms ang umano’y multimillion na mga armas ni Kingdom of Jesus Christ Pastor Apollo Quiboloy, oras na pirmahan ni Philippine National Police (PNP) chief, P/Gen. Rommel Marbil ang rebokasyon ng lisensya nito.

Ayon sa PNP, pinag-aaralan na ni General Marbil ang rekomendasyon ng Firearms and Explosives Office (FEO) na bawiin ang License To Own and Possess Firearms (LTOPF) ni Quiboloy.

Magugunitang tinuligsa ni Senate committee on women chairperson Senador Risa Hontiveros ang PNP na nagpapatumpik-tumpik umano sa pagkansela sa lisensiya ng mga armas ni Quiboloy matapos kumalat ang mga litrato at video sa social media na nagsasanay ang private army nito.

Iginiit ni Hontiveros na may private army na handang kumilos upang protektahan ang lider ng KOJC.

Ayon kay FEO Public Information Office chief, Maj. Lady Lou Gonzales, ang pagbawi sa lisensiya ng mga baril ay bunsod ng isinagawang deliberation ng Firearm Revocation and Restoration Board ng naturang yunit ng Pambansang Pulisya, sa lisensya ng mga baril na pagmamay-ari ni Quiboloy, at isang “Ms. Canada”, at iba pa.

Samantala, tumanggi muna ang mga kinauukulan kung sino ang iba pang mga indibidwal na kasamang inirekomendang i-revoke ang LTOPF habang hindi rin malinaw kung ano ang pagkakakilanlan ng tinukoy na “Ms. Canada” na kasama sa binawian ng lisensya.

(JESSE KABEL RUIZ)

46

Related posts

Leave a Comment