LAS PIÑAS LGU UMANI NG PARANGAL SA MAAYOS NA HEALTHCARE PROGRAMS

KINILALA ng Department of Health (DOH) – Metro Manila Center for Health Development (MMCHD) ang Pamahalaang Lungsod ng Las Piñas sa kanyang mataas na kalidad ng mga serbisyong pangkalusugan.

Ang lokal na pamahalaan ay kinilala sa kanyang Outstanding Financial Compliance dahil sa maayos na paggamit ng pondo ng DOH gayundin sa maagap at wastong liquidation nito.
Ginawaran din ang Las Piñas City ng Plaque of Appreciation dahil sa suporta nito sa iba’t ibang healthcare programs na nagbibigay ng de-kalidad at abot-kayang health care services na naaayon sa universal health care.

Ang paggawad ng parangal at pagkilala sa mga lungsod na may mataas na kalidad ng serbisyong pangkalusugan ay ginanap sa Manila Hotel kasabay ng ika-35 na anibersaryo ng DOH-MMCHD noong Oktubre 14.

Bukod sa dalawang parangal na natanggap ng Las Piñas LGU, tumanggap din ito ng tseke na nagkakahalaga ng P150,000.00 na gagamitin ng lungsod bilang karagdagang pondo sa mga serbisyo at proyektong pangkalusugan para sa mga Las Piñeros.

Lubos na nalugod si Vice Mayor April Aguilar sa dalawang pagkilalang nakamit ng lokal na pamahalaan.

Sinabi pa ng bise alkalde na ang pagkilalang ipinagkaloob ng DOH-MMCHD ay isang inspirasyon ng lokal na pamahalaan upang maghatid ng mas maayos pang mga serbisyong pangkalusugan sa mga residente.

Idinagdag pa ni Vice Mayor Aguilar na ang lalo pang pagsasaayos sa mga serbisyong pangkalusugan ay bahagi ng “Tuloy ang Tapat at Progresibong Serbisyo” ni Mayor Imelda Aguilar. (Danny Bacolod)

411

Related posts

Leave a Comment