ARESTADO ang isang umano’y local government official at kasamahan nito sa isinagawang anti-narcotics operation ng mga operatiba ng Philippine Drug Enforcement Agency (PDEA) sa Don Alejandro Roces Ave. sa Quezon City noong Miyerkoles ng gabi.
Ayon sa PDEA, nakumpiska sa mga suspek ang isang kilo ng hinihinalang shabu na nagkakahalaga ng P6.8 milyon makaraang kumagat sa kanilang pain.
Inihayag ni PDEA agent Grace Cruz, team leader ng PDEA RO-NCR RSET1, bago ang nasabing buy-bust operation, isinailalim nila sa halos dalawang buwang surveillance operation ang dalawang drug personalities na umano’y magpinsan mula sa Mindanao at kasalukuyang naninirahan sa Metro Manila.
Kasalukuyang sumasailalim sa follow-up investigation ang dalawa, kasabay sa pagtukoy sa tunay na pagkakakilanlan ng isa sa mga suspek na isa umanong municipal councilor sa Mindanao.
“According sa info na na-receive natin, elected official ito. But again, subject for verification, nasa municipal level siya,” ayon sa PDEA official.
Mahaharap sa reklamong paglabag sa Republic Act 9165 o Comprehensive Dangerous Drugs Act ang mga nadakip.
(JESSE KABEL RUIZ)
223