MAG-AMA PATAY SA PANANAGA NG EX-MANUGANG

QUEZON – Patay ang isang 67-anyos na lalaki at ang kanyang anak na binata matapos pagtatagain ng dating manugang sa Sitio Bulagsong, Brgy. Sta. Rosa, sa bayan ng Mulanay sa lalawigan noong Huwebes.

Dakong alas-4:00 ng hapon nang madiskubre ang bangkay ng biktimang si Dominador Constantino na nakabulagta sa kusina ng kanilang bahay.

Nakita naman ang bangkay ng anak nito na si Rodelio Constantino, 27, sa katabing bahay na halos 200 metro lamang ang layo sa bahay ng ama.

Kapwa sa leeg ang tama ng mag-ama na agad nalagutan ng hininga sa lugar.

Lumabas sa imbestigasyon, ang suspek na si alyas “Efren”, taga Mauban, Quezon, ay dating live-in partner ng anak na babae ni Dominador.

Ayon kay Major Marlon Comia, hepe ng Mulanay police, dakong alas-10 ng umaga noong Huwebes nang dumating sa bahay ng mga biktima ang suspek na si Efren.

Kasama ng mga biktima ang isa pang anak na batang babaeng may sakit, habang nasa palengke ang iba pang kapamilya, nang mangyari ang insidente.

Kuwento ng anak na babae ni Dominador, sa kanilang tatay pa humiram ang suspek ng itak na ginamit nito sa krimen.

Mabilis na tumakas ang suspek matapos ang pananaga at ngayon ay pinaghahanap ng mga awtoridad.

Ayon pa sa imbestigasyon, nagalit ang suspek sa pamilya dahil nakipaghiwalay ang dating live-in partner nito na ngayon ay isa nang OFW, at ayaw nang makipagbalikan dito.

Dati ring nakatira ang suspek sa bahay ng pamilya subalit pinalayas ito nang umalis ang anak na babae para magtarabaho sa ibang bansa.

Inihahanda na ng pulisya ang kasong double murder na isasasampa sa suspek.

(NILOU DEL CARMEN)

74

Related posts

Leave a Comment