MALAKIHANG PROTESTA KONTRA ECO CHA-CHA NG KAMARA IKAKASA

NAGKAKASA na ng malaking kilos protesta ang mga anti-Charter change (Cha-cha) group sa Mababang Kapulungan ng Kongreso sa susunod na linggo matapos itong pagtibayin sa ikalawang pagbasa noong Miyerkoles ng gabi.

Inanunsyo ng Makabayan Bloc ang plano ng No To Charter Change Network na biguin ang Eco Cha-cha na nakatakdang isalang ng Kamara sa ikatlo at huling pagbasa sa susunod na linggo.

Gayunpaman, tila wala nang atrasan ang tuluyang pagpapatibay sa eco Cha-cha dahil 231 boto o katumbas ng ¾ votes ang kailangan mula sa 308 miyembro ng Kamara sa kasalukuyang Kongreso.

Bago pinagtibay sa ikalawang pagbasa sa pamamagitan ng viva voce voting, 6 congressmen lang ang nakipagdebate sa mga sponsor ng panukala at kung boboto ng kontra ang lahat ng 22 miyembro ng Minority bloc ay hindi pa rin maitutumba ang Resolution of Both Houses (RBH) No.7.

Maging si Cagayan de Oro City Rep. Rufus Rodriguez na isa sa mga sponsor ng RBH No. 7 ay naniniwala na sobra sa ¾ ang makukuhang boto ng mga ito.

Kumbinsido ang mambabatas na kapag naamyendahan ang economic provisions ay dadami ang mga dayuhang negosyante sa bansa, dadami ang trabaho, tataas aniya ang suweldo na mahalaga sa pag-unlad ng ekonomiya.

Subalit ayon sa mambabatas, hindi uusad ang eco Cha-cha kung walang aksyon ang mga senador.

“We are not going to approve this without the Senate,” ani Rodriguez dahil kailangang magharap ang dalawang kapulungan sa Bicameral conference committee bago ito ratipikahan at isalang sa plebisito.

Bagama’t patuloy na itinatanggi ng liderato ng Kamara, hindi pa rin kumbinsido si ACT party-list Rep. France Castro na hindi masisingitan ng political provision ang eco Cha-cha pagdating sa Bicam.

“Kasi we have experience talaga na dinadagdagan ‘yan at the bicameral committee at saka pag nasa President’s Office,” ani Castro.

(BERNARD TAGUINOD)

62

Related posts

Leave a Comment