RTL AMMENDMENTS LALARGA SA KAMARA

SISIMULAN na ng Mababang Kapulungan ng Kongreso ang pag-amyenda sa Republic Act (RA) 11203 o Rice Tariffication Law para ibalik sa merkado ang National Food Authority (NFA) rice.

Sa pagdinig ng House committee on agriculture na pinamumunuan ni Quezon Rep. Mark Enverga, inatasan nito ang Department of Agriculture (DA) na ipasa agad ang kanilang rekomendasyon na ibalik ang NFA rice sa merkado upang maisama na ito sa pag-amyenda sa nasabing batas.

Ginawa ni Enverga ang kautusan matapos sitahin ni ACT-CIS party-list Rep. Erwin Tulfo ang NFA kung bakit hindi na nagbebenta ng NFA rice na mas mura kumpara sa mga commercial rice.

Sa tugon ni NFA officer in charge Mario Andara, gustuhin man nilang magbenta ng NFA rice ay hindi maaari dahil pinagbawalan sila ng nasabing batas na unang ipinatupad noong 2019.

Tila naghugas-kamay naman ang Kamara sa pamamagitan ni Enverga sa pag-alis ng kapangyarihan sa NFA na magbenta ng bigas kaya nawala ang NFA rice na dating ibinebenta lang sa halagang P27 kada kilo.

“To my understanding, although I’m not a member of 18th Congress, the House version (sa RTL law), retain the stabilization function of NFA,” ani Enverga subalit nawala ito pagdating sa Bicameral Conference committee.

(BERNARD TAGUINOD)

59

Related posts

Leave a Comment