MARCOS IDINIIN SA PRO-CHA-CHA AD

(BERNARD TAGUINOD)

HINDI maaaring maghugas-kamay ang pamilyang Marcos sa pro-Charter change TV ad dahil matagal na nilang sinisiraan at nais burahin ang People Power Revolution 1 o EDSA 1 na nagpatalsik sa kanila sa Malacañan noong 1987.

Ito ang opinyon ni Liberal Party (LP) at Albay Rep. Edcel Lagman kaugnay ng pag-ere ng pro-Chacha advertisement na biglang sumulpot sa gitna ng pangangalap ng lagda para sa isinusulong na People’s Initiative (PI).

“The “EDSA-pwera” Charter change ad campaign is part of the Marcos family’s continuing demonization of the Edsa People’s Power Revolution which ousted the Marcos dictatorship and helped install the “Cory Constitution” or the present 1987 Philippine Constitution,” pahayag ni Lagman.

Base sa mga report, ang Gana Atienza Avisado Law Office ang nasa likod ng advertisement at kinumpirma rin ni Atty. Alex Avisado na kliyente ng mga ito ang grupong People’s Initiative for Reform Modernization and Action (Pirma).

Nakasaad sa nasabing TV ad ang pag-itsapuwera umano ng iba’t ibang sektor ng lipunan tulad ng edukasyon, magsasaka at iba pa pagkatapos ng EDSA Revolution o matapos ang 38 taon at ipinalalabas na ang konstitusyon ang dahilan ng kahirapan.

“The ad is crudely crafted and there is nothing substantial conveyed in the message,” ani Lagman.

Sinusugan naman ni Kabataan party-list Rep. Raoul Manuel ang paniniwala ni Lagman na ang mga Marcos ang nasa likod ng nasabing pro-Chacha ads dahil ipinagtatangol nito ang dating unang pamilya.

“The TV ad is a pro-dictatorship and Marcos rehabilitation propaganda video packaged as advocacy,” ani Manuel kung saan sinupalpal nito ang nasabing advertisement dahil pinapalabas na ang Konstitusyon ang ugat ng kahirapan sa bansa.

“Hindi sa EDSA o sa isang dokumento nagmula ang ating mga problema. Matindi na ang krisis sa ekonomiya bago pa mag-EDSA people power. Baon tayo sa utang noon at hanggang ngayon. Hindi pa rin nalulutas ang mga ugat ng rebelyon. Para umunlad ang bansa, hindi konstitusyon ang bara, kaya hindi rin cha-cha ang sagot,” ani Manuel.

Sinabi ng mambabatas na mula nang makalaya ang bansa sa Espanya ay nagkaroon na ng 5 Saligang Batas ang bansa subalit nananatiling mahirap pa rin ang mga Pilipino dahil hindi niresolba ang ugat nito at hanggang ngayon ay malala pa rin ang katiwalian na siyang pangunahing dahilan ng kahirapan.

Susulatan naman ni Bayan Muna chairman Neri Colmenares ang nasabing law firm para alamin kung saan galing ang ipinambayad para iere ang advertisement sa telebisyon kasabay ng apela sa mga senador na imbestigahan ito.

Bubusisiin sa Senado

Samantala, nais ni Senador Imee Marcos na magsagawa ang Senado ng investigation in aid of legislation kaugnay sa sinasabing bayaran kapalit ng lagda para sa People’s Initiative sa isinusulong na Charter change.

Sa kanyang Senate Resolution 902, binanggit ni Marcos ang mga ulat kaugnay sa pagtanggap ng coordinators ng ilang partylist group ng hindi matukoy na halaga kapalit ng pagtiitiyak na makakalap ng kinakailangang lagda para sa People’s Initiative.

Sa pahayag ni Albay 1st District Rep Edcel Lagman, may impormasyon na nagsagawa ng general meeting ang League of Mayors ng lalawigan sa isang hotel na pag-aari ni Ako Bicol Rep. Zaldy Co at pinag-usapan ang pagbibigay ng P100 sa bawat botanteng lalagda sa People’s Initiative.

Binanggit din sa resolution ang ulat na may alok na P20 million sa bawat congressional district na makakapagdeliver ng kinakailangang bilang ng lagda para sa pag-amyenda sa konstitusyon.
Sinabi ni Marcos na dapat nang matigil ang corrupt activities na ito at tiyakin na kung magkakaroon ng People’s Initiative para sa Chacha ay dapat na mayroong full consent at free will ang taumbayan.

Sahod, Bilihin Unahin

Kung merong dapat talakayin sa Kongreso, ito ay ang pagpapataas sa sahod ng mga manggagawa at makontrol ang presyo ng mga pangunahing bilihin partikular na ang bigas na patuloy na tumataas at hindi Charter change.

Ito naman ang iginiit ni Gabriela chairperson at dating Congresswoman Emmi de Jesus na ngangangambang matabunan ng Cha-cha ang matagal nang kahilingan ng mga mangggagawa na itaas ang sahod.

“Dagdag-sahod dapat ang talakayin ng parehong Kamara at Senado at tiyakin ang pagpasa ng mga panukala para sa kagyat na alwan ng mga manggagawa, hindi itong Cha-cha na pilit na pilit at hindi nakatono sa hinaing ng sambayanang Pilipino,” ani De Jesus.

Marami na aniyang panukalang batas na nakahain sa Kongreso para sa pagpapataas sa sahod ng mga manggagawa kasama na ang P750 across the board wage increase na inakda ng Makabayan bloc solons sa Kamara.

“We need a change and an increase in our wages not a change in Constitution,” ani De Jesus.

Bukod dito, kailangan aniya ang interbensyon ng Kongreso para maibaba ang presyo ng mga bilihin lalo na’t dismayado ang 70% sa mga Pilipino sa aksyon ng gobyernong Marcos Jr., sa inflation rate.

Naniniwala naman si Surigao del Norte Rep. Robert Ace Barbers na mareresolba ang problema sa kahirapan at kawalan ng oportunidad sa bansa kapag naamyendahan ang 1987 Constitution.

Ayon kay Barbers, inireport ng Philippine Statistics Authority (PSA) na bumaba sa 3.6 percent ang unemployment rate sa bansa noong November 2023 mula sa 4.2 percent noong Oktubre 2024 dahil sa maayos na polisiya ng gobyerno.

Gayunpaman, meron pang 1.83 million Pilipino ang walang trabaho kaya kailangang madagdagan pa ang foreign investors na mangyayari lamang kapag naamyendahan ang Saligang Batas at maalis ang mga restriksyon sa mga economic provision.

“More foreign investments will mean more jobs, more economic activities and more income for our people,” ayon pa sa mambabatas kaya dapat aniyang suportahan ang Cha-cha dahil marami pang nangangailangan ng trabaho at kapag nangyari umano ito ay mareresolba ang problema tulad ng mababang sahod at mataas na presyo ng mga bilihin.

(May dagdag na ulat si DANG SAMSON-GARCIA)

149

Related posts

Leave a Comment