MARCOS JR. ADMIN DEDMA SA KALBARYO NG TRANSPORT SECTOR

MISTULANG kalbaryo ngayong Semana Santa para sa transport sector ang inanunsyo nitong Marso 23 na pagtataas sa presyo ng produktong petrolyo ngayong linggo.

Ayon kay Ka Domeng Mole, Pambansang Tagapangulo ng BMP, itinaon ito ng mga kumpanya sa “long weekend”, kung kailan marami ang inaasahang daragsa sa mga probinsya para bisitahin ang mga kamag-anak o magbakasyon.

Aniya, halatang-halata na ito ay pananamantala ng mga kapitalista sa oil industry. Unjust profiteering, sa ibang salita.

“Likas namang ganyan ang mga kapitalista. Walang moralidad. Ang pamantayan nila sa ‘tama’ at ‘mali’ ay sinusukat sa laman ng kanilang mga bulsa. Walang kinikilalang banal na araw dahil ang tanging sagrado ay ang paglago ng kanilang kapital at pribadong pag-aari,” pahayag ni Ka Domeng.

Aniya, kung totoong kinakalinga ng gobyerno ang taumbayan, disin sana’y nakipagnegosasyon ito sa mga oil industry para hindi magtaas ng mga presyo.

Kahit tumawad aniya ay hindi man lang nagawa ng gobyernong Marcos Jr. Maaari pa naman aniyang makipagnegosasyon sa kabila ng pag-iral ng Oil Deregulation Law.

Ito aniya ay dahil kapag tumaas ang mga presyo, tataas din ang makokolektang 12% value added tax o VAT.

“At dahil kapag tumaas ang presyo ng produktong petrolyo ay tumataas din ang presyo ng mga bilihin, tataas pa lalo ang makokolektang VAT! Mga Hudas! Hindi ba’t nanumpa ang mga opisyal ng gobyerno na ipagtatanggol ang interes ng mamamayan? Kayo ay hindi kumakatawan (sa oil companies) kundi kumakatawan sa taumbayan!” pahayag pa ni Ka Domeng.

Binigyang-diin din niyang ang napipintong pagtaas sa presyo ng produktong petrolyo (at kasunod nito, ang presyo ng lahat ng bilihin) ay lalong nagpapatibay sa kahilingan para sa legislated across-the-board wage increase nationwide.

Kailangan aniyang itaas ang sweldo, hindi lamang para sa minimum wage earner kundi maging sa lahat ng mga manggagawa, dahil ang epekto ng inflation ay across-the-board sa buong kapuluan.

Kasabay nito, iginiit ng grupo ang pagbasura sa oil deregulation law, kagyat na pagsuspinde sa VAT sa produktong petrolyo, pagtataas ng sahod ng mga manggagawa at pagsasabatas sa legislated across-the-board wage increase nationwide.

(SAKSI NGAYON NEWS TEAM)

51

Related posts

Leave a Comment