TAMANG LANDAS TUNGO SA KAPAYAPAAN

EDITORIAL

IBINIDA ni Pangulong Ferdinand Marcos Jr. na bumaba sa kalahati ang insidente ng paglabag sa karapatang pantao sa Pilipinas noong 2023, kumpara sa taong 2022.

Ipinagmalaki rin ni Marcos ang pagbaba ng crime rate sa bansa, na sa unang taon ng kanyang administrasyon ay mayroon lamang 198,617 krimeng naitala, kumpara sa 295,382 kaso noong 2017.

Dapat bang paniwalaan ang bumabang bilang ng paglabag sa karapatang pantao at krimen gayung walang detalyeng ibinigay si PBBM?

Kailangan ang patunay na ang pagbaba ng bilang ng human rights violations ay bunga ng itinataguyod ng administrasyon na pananaig ng batas.

Ano nga ba ang sitwasyon ng karapatang pantao sa bansa?

Batay sa 2024 World Report ng Human Rights Watch, nananatiling nakababahala ang kalagayan ng human rights. Kahit bumaba ang bilang, ito ay patuloy na nangyayari.

Kung nangingibabaw ang pananaig ng batas, karapatang pantao at hustisya, dapat tuluyan nang nawawala ang mga insidente ng pagdukot, ang hindi matiyak na kinalalagyan ng mga nawawala.

Kailangan itigil ang militarisasyon.

Panawagan ng Commission on Human Rights (CHR) sa pamahalaan na manatiling itaguyod ang obligasyon nito sa karapatang pantao sa pamamagitan ng tunay na implementasyon ng pananaig ng batas na magbibigay proteksyon at pagpapalakas sa karapatan ng mga Pilipino.

Ang una sa mga dapat gawin ng pamahalaan para maniwala ang mga tao na sinsero ang administrasyon sa pagtaguyod ng karapatang pantao at pananaig na batas, ay itigil ang nakasanayang red-tagging na naglalagay sa mga tao sa kapahamakan.

Dapat tapat ang pamahalaan sa sinasabi. Ang patuloy na pagtakip sa tunay na nangyayari ay hindi indikasyon na matatamo ang kapayapaan.

44

Related posts

Leave a Comment