Marcos Jr. hinimok maging istrikto HINAY-HINAY SA PAGGASTA SA PERA NG BAYAN

(SAKSI NGAYON NEWS TEAM)

UMAPELA ang minorya sa Senado kay Pangulong Ferdinand Marcos Jr. na maging istrikto sa paggastos sa pondo ng bayan.

Reaksyon ito ni Senate Minority Leader Koko Pimentel kaugnay ng pagkakasingit umano sa 2024 budget ng P26.7 billion na Ayuda sa Kapos ang Kita Program (AKAP) na hinihinalang nagamit para sa pangangalap ng lagda sa pekeng People’s Initiative o PI.

Kailangang maging istrikto, ayon kay Pimentel, ang Punong Ehekutibo sa pag-awtorisa sa paggamit ng pondo bagama’t ang budgetary reforms ay nakasalalay sa pag-uugali ng lider ng bansa.

Aniya, dapat sa proposal pa lang ng Ehekutibo na National Expenditure Program (NEP) ay walang pinalobong item dahil naging mahigpit na sa pagbuo ng pambansang pondo.

Iginiit din ni Pimentel ang pagkakaroon ng full transparency sa budget oras na ito’y dumating sa Kongreso sa pamamagitan ng pagbibigay ng sapat na panahon upang talakayin at mahimay ito nang husto.

Nauna nang kinastigo ng netizens ang gobyernong Marcos dahil sa pangambang masimot ang pondo ng Bangko Sentral ng Pilipinas.

Ito ay dahil bukod sa Maharlika Investment fund ay popondohan din ng BSP ang pag-develop sa malawak na exhibition and convention center sa Cultural Center of the Philippines (CCP) complex.

Malinaw anilang pag-aaksaya ito ng pera dahil hindi napapanahon lalo pa’t naghihirap ang nakararaming Pilipino.

Ang panukalang Philippine International Exhibition Center (PIEC), pet project ni First Lady Liza Araneta-Marcos, ay naglalayon umanong mapataas ang antas ng ‘competitiveness’ ng bansa para makalahok sa umuusbong na merkado para sa MICE o meetings, incentives, conventions and exhibition.

69

Related posts

Leave a Comment