MAWAWALA ang atensyon ng gobyerno sa mga pangunahing problema ng bansa kapag hindi namagitan si Pangulong Ferdinand “Bongbong” Marcos Jr., sa Senado at Kamara na nagkokomprotahan na sa usapin ng Charter change (Cha-cha).
“The brouhaha on Charter change has pushed the Senate and the House of Representatives into a confrontation which is divisive and disruptive,” pahayag ni Liberal Party (LP) president at Albay Rep. Edcel Lagman.
Nangangamba ang mambabatas na tuluyang sasabog ang banggaan ng dalawang kapulungan lalo na kapag itinuloy ang People’s Initiative (PI).
Dapat aniyang pahupain ang mga ito dahil hindi magandang pangitain sa kalagayan ngayon ng bansa.
Mawawala kasi aniya ang pokus ng legislative branch at maging ang executive branch sa problema sa krisis sa ekonomiya, food security, at patuloy na pagtaas ng presyo ng mga bilihin.
Nahaharap din aniya ang bansa sa krisis sa edukasyon, lumolobong utang, pagbabayad sa utang at maging sa patuloy na pananakop at pag-angkin ng China sa West Philippine Sea.
“President Ferdinand Marcos, Jr. must broker a solution to diffuse the impending impasse in order that the executive and legislative departments,” pahayag ng mambabatas.
Iginiit nito na ang mga ganitong krisis ay hindi dapat isisi sa 1987 Constitution kundi sa hindi seryosong pagpapatupad ng mga batas, katiwalian ng mga opisyales ng gobyerno at kawalan ng maayos at malinaw na polisiya ng gobyerno.
97