DPA ni BERNARD TAGUINOD
HINDI malayong mauwi sa constitutional crisis ang pag-atras ng Senado sa Charter Change (Cha-Cha) matapos magkaisa ang 24 senador na huwag nang ituloy ang Resolution of Both Houses (RBH) na pangontra sana sa People’s Initiatives.
Nagtanong ako kay Pareng Wikipedia kung ano ba ang epekto ng constitutional crisis sa gobyerno at mamamayan mismo kapag nagkataon at ang sagot niya base sa karanasan ng ibang bansa, ay masyadong nakatatakot.
Sabi ni Pareng Wikipedia…”Politically, a constitutional crisis can lead to administrative paralysis and eventual collapse of the government, the loss of political legitimacy, or to civil war”.
Sa political science kasi, nagkakaroon ng constitutional crisis kapag hindi nagkasundo ang mga sangay ng gobyerno sa isang bagay lalo na sa pangunahing mga batas na ipinipilit ng isang grupo pero kinokontra naman ng isa pa.
Dahil ayaw na ng Senado sa Cha-Cha, tiyak na ipipilit ang People’s Initiatives (PI) lalo na’t binabak-apan ito ng mga kongresista na labis na inaayawan naman ng mga senador dahil magmumukha lang silang timawa.
Wala sigurong matinong senador ang papayag na mawawala ang kanilang kapangyarihang bumoto sa Constituent Assembly (ConAss) dahil sa isinusulong na PI, joint voting ang mangyayari sa bawat probisyon sa 1987 Constitution.
Ano naman ang laban ng 24 senador sa 310 congressmen? Kahit pa makakuha sila ng kakampi na 100 congressmen, kung meron ha, eh wala pa rin silang laban kaya palagay n’yo papayag ang mga senador sa Cha-Cha?
Kapag may loko-lokong congressman na magmosyon na gawing unicameral ang sistema ng gobyerno at idaraan sa botohan, lusaw ang Senado dahil tiyak na hindi maidedepensa ng 24 senador ang kanilang institusyon sa botohan.
Kapag nagtagumpay ang mga congressman na gawing unicameral ang paggawa ng batas lalong lalakas ang political dynasty sa bansa at mawawala na ang ‘check and balance’ sa gobyerno na siyang pangunahing trabaho ng mga senador.
Hindi papayag siyempre ang mga senador dahil kahit tumakbo sila sa kanilang lugar at maging miyembro ng Parliament, kaunti pa rin sila at wala silang puwersa para baliktarin ang sitwasyon.
Pero dahil sa problemang iyan, baka nga magkaroon ng constitutional crisis at magkakagulo na naman sa ating bansa at ang kinatatakutan ko ‘yung sinasabi ni Pareng Wikipedia na “civil war”.
Buti kung ikukudeta lang ang gobyerno at palitan ang mga namumuno ang mangyayari? Papaano kung ang magpapatayan ay mga kapwa Filipino dahil sa kagahaman ng karamihan sa mga pulitiko sa kapangyarihan. Huwag naman sana, Lord.
Pero sinisisi ko sa lahat na ‘yan ang mga gumawa ng 1987 Constitution dahil hindi pinulido ang bibliya ng mga Filipino. Bawal nga ang political dynasty sa Saligang Batas pero nag-iwan sila ng butas na kailangang gumawa muna ng batas ang mga mambabatas sa Senado at Kamara.
224