KASABAY ng pagtapyas at pagtatanggal ng confidential fund sa iba’t ibang ahensya ng gobyerno, iginiit ni Senate Minority Leader Aquilino Koko Pimentel na dapat alisan na ng intelligence fund ang Office of the President.
Ang Office of the Vice President naman para kay Pimentel na hindi rin dapat makatanggap ng confidential fund.
Sinabi ni Pimentel na mayroon nang mga ahensya ang gobyerno na nasa ilalim ng Office of the President na ang mandato ay mangalap ng intelligence information na magagamit ng Pangulo kaya’t hindi niya nakikita ang pangangailangan na magkaroon pa ng sariling intelligence fund ang OP.
Tinukoy ng senador ang National Security Council, National Intelligence Coordinating Agency, gayundin ang Armed Forces of the Philippines, Philippine National Police at National Bureau of Investigation na pinanggagalingan ng mga intelligence information.
Pabor naman ang senador na pagkalooban pa rin ng confidential fund ang tanggapan ng Pangulo subalit masyado anyang Malaki ang hinihinging P2.25 bilyon para sa 2024.
“Ang Office of the President dapat napaka-busy na ng opisina, wala na sila dapat agent na nagcocollect ng intelligence work, hindi sya intelligence gathering. Intel fund ng President tanggalin na; yung sa confidential fund yan ang flexibility fund pero with reason naman, dapat reasonable ang halaga,” diin ni Pimentel.
(DANG SAMSON-GARCIA)
138