MASSIVE FUEL TRANSFER SA SUBIC KINUMPIRMA NG US EMBASSY AT DND

OPISYAL nang kinumpirma kahapon ng US embassy in Manila at maging ng Department of National Defense, ang paglilipat ng milyon-milyong gallon ng fuel mula sa ipinasarang military facility sa Pearl Harbor sa Hawaii at isasalin sa umano’y commercial storage facility sa Subic Bay.

Subalit nilinaw ng embahada na ito ay malinis na fuel mula Naval fuel storage sa Hawaii, lulan ng isang commercial tanker na siyang maghahatid sa Subic Bay.

“We can confirm that the Yosemite Trader, a commercial tanker, is currently in the vicinity of Subic Bay, Philippines in order to transfer clean fuel from the US military facility at Red Hill, Pearl Harbor, Hawaii, to a commercial storage facility at Subic Bay,” sa ibinahaging tugon ni US Embassy Spokesperson Kanishka Gangopadhyay.

Kasabay ng paglilinaw na hindi bunker fuel o adulterated fuel ang ililipat ng America, nilinaw rin ng embahada na: “This is one of multiple shipments of safe, clean fuel from the Red Hill facility to other locations in the Pacific. All arrangements for the transfer and storage of this fuel were made through the proper channels, using established logistics contracts with Philippine commercial entities.”

Sumunod na naglabas ng pahayag hinggil sa isyu ang Department of National Defense. “The shipment of fuel from Pearl Harbor, Hawaii, USA to a storage facility in the Subic Bay Freeport in the Philippines via the commercial tanker Yosemite Trader is part of regular commercial transactions between the US Government and Philippine companies,” ani DND Spokesman Director Arsenio Andolong.

Magugunitang tumangging magbigay ng komento o sagot ang Armed Forces of the Philippine at maging ang DND hinggil sa isyu na ibinulgar ng ilang militanteng organisasyon kabilang na ang grupong nakabase sa Hawaii na siyang nanguna sa pagpapasara at pagpapaalis ng nakaimbak na fuel mula sa world war 2 facilities.

Maging si Senator Imee Marcos, chairman ng Senate Committee on Foreign Relation, ay humihingi ng paliwanag sa AFP, sa DND at maging sa US Embassy, hinggil sa napaulat na pagtatambak sa Pilipinas ng 39 million gallon ng military fuel ng US Navy mula sa Pearl Harbor.

Hinala ni Sen. Marcos Marcos, ang “inexplicable silence” ng Pilipinas at ng US governments bago pa ang takdang paglilipat, ay lubhang kaduda-duda kaya iisipin na nagkakaroon na ng pre-positioning ng military supplies sa bansa sa gitna ng pinangangambahang pagkakaroon ng armadong tunggalian sa pagitan ng China at Amerika dahil sa isyu ng Taiwan.

“The Mutual Defense Treaty is not a license to leave the Filipino people in the dark,” ani Marco. “Subic is not an EDCA site, so where in Philippine territory will millions of gallons of oil be stored?”

Ito ay makaraang hindi kaagad tumugon o naglabas ng pahayag ang DND, AFP at maging ang United States Embassy in Manila, hinggil sa kumalat na ulat na nakatakdang itambak ng United States Armed Forces ang 39 million gallon ng military fuel sa Subic.

Kasunod ito ng paglalantad ng ilang grupo kabilang ang Hawaii Peace & Justice na nakabase sa Hawaii, na siyang kinaroroonan ng kontrobersyal na 80 years old US Navy-run Red Hill Underground Storage Facility na nasa Honolulu, ang umano’y massive fuel transfer sa Pilipinas.

Ayon sa grupo, dapat linawin ng US ang massive military fuel transfer mula sa US Navy Storage facility sa Hawaii na itatambak sa Subic na hindi naman kabilang sa pinagtibay na EDCA sites.

(JESSE KABEL RUIZ)

52

Related posts

Leave a Comment