MAYORYA NG PINOY TIWALA SA AFP – SURVEY

LALO pang tumaas ang approval rating ng sambayanang Pilipino sa Armed Forces of the Philippines (AFP) sa gitna ng nararanasang mga kalamidad at pangha-harass ng China sa West Philippine Sea, base sa isinagawang pag-aaral ng OCTA Research.

Isinagawa ang survey sa 1,200 respondents noong huling kwarter ng 2023.

Lumilitaw na 100 porsyento ng mga Filipino respondent ang nagpahayag na mulat sila sa kaganapan at mga ginagawa ng Sandatahang Lakas ng Pilipinas. Umakyat ito ng 11 puntos mula sa 89% awareness noong Oktubre 2023.

Sa mga nagsabing ‘aware’ sila sa AFP, 86% ang kuntento sa paggampan ng AFP sa kanilang mandato at accomplishments habang 2% lang ang mga hindi kuntento.

Sinasabing umakyat ang net satisfaction rating ng AFP sa lahat ng lugar sa bansa maliban sa Mindanao.

Habang ang net trust rating naman ng AFP ay pinakamataas sa Mindanao, sinundan ng Visayas habang pinakamababa sa NCR.

Base rin sa pag-aaral ng OCTA, patuloy na nakatatanggap ang AFP ng mataas na trust and satisfaction ratings noong 2023.

Bunsod nito, inilalarawan ang AFP na isa sa pinagkakatiwalaan at top-performing government agencies bago pa man ang taong 2023.

Samantala, may mga mambabatas ngayon ang nanawagan sa pamahalaan na madaliin ang modernisasyon ng Hukbong Sandatahan ng Pilipinas.

Kasunod ito ng serye ng pambu-bully ng China sa West Philippine Sea tulad ng pagbangga ng barko ng China Coast Guard sa barko ng Philippine Coast Guard at pag-water cannon sa civilian vessel na ginamit ng Philippine Navy para sa kanilang resupply mission.

(JESSE KABEL RUIZ)

36

Related posts

Leave a Comment