MANGINGISDA PATAY SA SAKSAK NG MAG-AMA

QUEZON – Patay ang isang lalaki matapos na saksakin ng mag-ama na kapwa niya mangingisda sa Barangay Dinahican, sa bayan ng Infanta sa lalawigan, noong Huwebes ng umaga.

Kinilala ng Infanta Police ang biktimang si Frederick Basila, 42, nalagutan ng hininga habang nilalapatan ng lunas sa Claro M. Recto Memorial District Hospital.

Ayon sa imbestigasyon, nakasagutan ng biktima ang kanyang mga kapitbahay na mag-ama na sina Custodio Ignacio Avila, 89, at Rafael Gucila Avila, 55, dahil sa matagal nang alitan.

Sa kasagsagan ng argumento, kumuha ng kutsilyo sa kanyang bahay ang biktima at sinugod ang mga suspek.

Nagawa namang maagaw ng mag-ama ang kutsilyo at nasaksak ang biktima ng ilang beses.

Kritikal na isinugod sa ospital ang biktima ngunit hindi naisalba ang buhay.

Naaresto naman ng nagrespondeng mga pulis at mga barangay tanod ang mag-ama na nahaharap sa kasong homicide.

(NILOU DEL CARMEN)

44

Related posts

Leave a Comment