Media libre sa threat assessment 10 YRS. VALIDITY NG LISENSYA NG BARIL, NAGHIHINTAY SA PIRMA NI PRRD

baril

PIRMA na lamang ni Pangulong Rodrigo Duterte ang kulang para maipatupad ang 10-year validity ng lisensya ng baril ng mga sibilyan matapos ratipikahan ng dalawang kapulungan ang “Comprehensive Firearms and Ammunition Act”.

Sa ilalim ng nasabing panukala, mula sa kasalukuyang dalawang taong validity ng lisensya ng baril ng mga sibilyan, magiging 5 hanggang 10 taon na ito maliban lamang kung bawiin ito ng Philippine National Police (PNP) kung saan nirehistro ang mga armas.

Ang validity ng permit to carry outside residence or place of business ay magiging dalawang taon na rin mula sa kasalukuyang isang taon lamang.

Ginawa ang nasabing panukala matapos magreklamo umano ang mga sibilyan sa pagpaparehistro tuwing ikalawang taon sa kanilang baril na ginagamit ng mga ito bilang proteksyon sa kanilang sarili.

Dahil sa kasalukuyang sistema, maraming baril ang hindi na inirerehistro muli ng mga sibilyan kaya pinalawig na ang validity ng lisensya ng mga ito ng hanggang 10 taon.

Base sa nasabing panukala, kailangan dumaan sa threat assessment ang mga aplikante para madala ng mga ito ang kanilang baril sa labas ng kanilang bahay o lugar ng kanilang negosyo.

Kapag pumasa sa assessment ay bibigyan ang mga ito ng threat assessment certificate na magiging batayan ng Firearms and Explosive Unit ng PNP para bigyan ang mga ito ng permit to carry.

Hindi lahat ng aplikante ay daraan sa threat assessment dahil ang mga miyembro ng Philippine Bar, mga certified public accountant, media practitioner, cashiers, bank tellers, mga pari, rabbi, imam, mga doktor at nurse, engineers, mga negosyante, elected officials at mga active member ng gun clubs, ay awtomatikong libre na sa threat assessment kaya maaari silang bigyan agad ng permit to carry na hindi na kailangang dumaan pa sa pagsusuri ng PNP kung talagang may banta sa buhay ng mga ito. (BERNARD TAGUINOD)

219

Related posts

Leave a Comment