TATLONG grupo na ang nagbabanggaan sa Mababang Kapulungan ng Kongreso dahil sa Charter change (Cha-cha).
Kahapon ay binakbakan ni Deputy Speaker David “Jay-jay” Suarez si dating House Speaker Pantaleon Alvarez matapos tawagin “politico initiative” ang People’s initiative.
Itinuro rin umano ni Alvarez si House Speaker Martin Romualdez na nasa likod ng PI para amyendahan ang 1987 Constitution partikular na ang economic provisions.
“Former Speaker Alvarez’s allegations are not just unfounded; they reek of desperation and a disregard for the truth. Accusing Speaker Romualdez of orchestrating the ‘People’s Initiative’ without a shred of concrete evidence is not only irresponsible but also a clear attempt to destabilize our legislative proceedings,” ani Suarez.
Kaipokritahan din aniya ang alegasyon ni Alvarez dahil noong siya ang namuno sa Kongreso ay tinangka rin niyang paamyendahan ang Saligang Batas sa unang bahagi ng administrasyon ni dating Pangulong Rodrigo Duterte.
Bago ito, nagkaroon din ng banggaan ang grupo ng AKO Bicol party-list at kanilang kababayan at anti-Cha-cha Congressman Edcel Lagman matapos isiwalat ng huli ang ipinatawag na pulong ng mga mayor sa kanilang lalawigan para sa pangangalap ng lagda para sa People’s Initiative.
Hindi man direkta, mistulang inakusahan ni Lagman ang nasabing grupo na nasa likod ng PI sa Albay dahil dinaluhan ito ng kanilang mga opisyal at ginanap ang pulong sa hotel na pag-aari ni Ako Bicol party-list Representative at House appropriations committee chairman Elizaldy Co.
Nauwi sa personalan ang banggaan nina Co at Lagman nang isiwalat din ng huli ang isiningit na P12 billion sa budget ng Commission on Elections (Comelec) sa ilalim ng 2024 national budget.
Hindi rin pinalagpas ni Co ang pagmamarakulyo ni Davao City Rep. Paolo Duterte dahil hindi umano inaprubahan ng Kongreso ang P2 bilyong halaga ng proyekto sa kanyang distrito.
Bilang tugon, sinabi ni Co na iimbestigahan nito ang P51 billion na budget ng distrito ni Rep. Duterte sa nakaraang tatlong taon o mula 2020 hanggang 2022 habang Pangulo ng bansa ang kanyang ama.
(BERNARD TAGUINOD)
96