MGA PROBLEMA NG BANSA NAPAGTATAGUMPAYAN NG MGA PINOY – PANGULONG MARCOS

NAGAGAWA ng mga Pilipino na mapagtagumpayan ang mga kasalukuyang hamon na kinakaharap ng bansa.

Sinabi ito ni Pangulong Ferdinand R. Marcos Jr. sa kanyang talumpati sa ika-503 anibersaryo ng tagumpay ng Pilipinas sa Battle of Mactan sa Lapu-lapu City.

Ayon sa Pangulo, nananatiling buhay ang diwang makabayan ng mga Pilipino hindi lamang sa Visayas kundi maging sa buong Pilipinas.

Sinabi ng Pangulo na sa pagkakaroon ng “patriotism” hindi lamang naipapakita ang pagmamahal sa bawat isa kundi napoprotektahan din ang karapatan at soberanya ng bansa.

Iginiit din ng Pangulo ang pangangailangan sa pagkakaisa at pagkakaroon ng lakas ng loob upang labanan ang mga panggigipit.

“Ngunit sa panahong ito, may mga makabagong pagsubok tayong hinaharap na ang solusyon ay hindi dahas o armas. Nangangailangan ito ng ating katapangan, ng ating pagkilos, at higit sa lahat ang ating pagkakaisa,” ayon sa Pangulo.

Aminado naman ang Pangulo na hindi madaling labanan ang mga problema gaya ng kahirapan at kagutuman, subalit nananatili aniyang committed ang kanyang administrasyon sa pagsusulong ng mga hakbang upang masolusyonan ang mga ito.

Kabilang sa mga hakbang na ginagawa aniya ng pamahalaan ang pamamahagi ng tulong sa mga nangangailangan at ang paghikayat sa mga kumpanya na mamuhunan sa bansa para makalikha ng mas maraming trabaho.

59

Related posts

Leave a Comment