SINIBAK ni National Capital Regional Police Office (NCRPO) Director PBGen. Melencio Nartatez ang hepe ng Navotas City Police na si PCol. Allan Umipig.
Ang aksyon ng NCRPO ay kaugnay sa command responsibility matapos ang palpak na operasyon ng mga tauhan ni Umipig na nagresulta ng pagkamatay ni Jemboy Baltazar kamakailan.
Kasama ring sinibak sa pwesto ang hepe ng station investigation section ng Navotas Police na si Capt. Juanito Arabejo at Chief Clerk na si Chief Master Sgt. Aurelito Galvez.
Bunsod ito sa kabiguan nila na magsumite ng paraffin test at hindi paghahanap at pagpreserba sa mga ebidensya.
Nauna nang inirekomenda ng Philippine National Police (PNP) Internal Affairs Service (IAS) kay Nartatez ang pagsibak kay Umipig dahil sa tangkang cover up.
Ito’y matapos lumitaw sa imbestigasyon ng PNP IAS na inutusan umano ni Umipig ang team leader na tanggalin sa kanilang report ang 11 pulis na kasama sa operasyon.
Dahil dito, ipinag-utos ni IAS Inspector general Atty. Alfegar Triambulo ang pagsasampa ng kasong dishonesty at command responsibility laban kay Umipig.
(JESSE KABEL RUIZ)
218