TINIYAK ni National Bureau of Investigation (NBI) Director Jaime Santiago na hindi sila magbibigay ng kopya ng mga tanong na gagamitin sa magiging imbestigasyon tungkol sa mga kontrobersyal na pahayag ni Vice President Sara Duterte sa planong pagpatay umano nito kay Pangulong Bongbong Marcos.
Nilinaw ng kalihim, iikot lamang ang mga katanungan sa kung sino nga ba ang nautusan ng Pangalawang Pangulo para ipapatay si Pangulong Marcos at kung bakit niya nabitawan ang mga bantang iyon.
Ito ay matapos maurong ang dapat sanang pagdalo ni VP Sara sa opisina ng NBI sa Pasay nitong Biyernes para mabigyang linaw ang mga pahayag niya laban sa kasalukuyang administrasyon.
Kasunod nito ay nagpadala ng liham ang Pangalawang Pangulo sa NBI na humihiling ng kopya ng complaint laban sa kanya at ilan pang dokumentong sumusuporta sa gagawing imbestigasyon ng ahensya.
Samantala, nanawagan naman ang direktor kay VP Sara na malaking bagay ang magiging kooperasyon nito sa imbestigasyon para makakuha pa ng karagdagang impormasyon ang NBI tungkol sa mga maaaring banta sa buhay ng Pangulo pati na rin ang seguridad niya bilang Pangalawang Pangulo ng bansa. (BERNARD TAGUINOD/JULIET PACOT)
31