NUMBER CODING TULOY KAHIT MAY TRANSPORT STRIKE

HINDI sinuspinde ang number coding scheme sa Metro Manila sa kabila ng bantang transport strike mula ngayong araw hanggang bukas.

Paliwanag ng Metro Manila Development Authority (MMDA), paiiralin pa rin ang Unified Vehicular Volume Reduction Program o Number Coding Scheme sa Metro Manila sa dalawang araw na bantang tigil-pasada ng Manibela at Piston simula ngayon, Abril 15 at 16.

Ayon kay MMDA Acting Chairman Ron Artes, nakadagdag lang sa pagbigat ng daloy ng trapiko ang suspensyon ng number coding katulad noong huling transport strike dahil marami pa rin ang bumiyaheng pampublikong transportasyon.

Kaugnay nito, preparado na ang libreng sakay ng Philippine National Police (PNP), Armed Forces of the Philippines (AFP), at MMDA para sa mga pasaherong maaapektuhan ng nationwide transport strike.

Sa lungsod ng Maynila, nakaantabay ang pamunuan ni Manila Mayor Honey Lacuna, katuwang ang Manila Police District, kung paano matutulungan ang libong mananakay na posibleng maapektuhan ng dalawang araw na tigil-pasada.

Inihayag ni PNP Public Information Office Col. Jean Fajardo, inihahanda na ang kanilang mobility assets na ipakakalat upang magbigay ng libreng sakay sa commuters.

Ayon kay Col. Fajardo, maaaring parahin ng mga apektadong pasahero ang nagpapatrol na mga pulis sa kalsada upang maalalayan ang mga ito at mabigyan din ng kaukulang assistance at maihatid sila sa kanilang patutunguhan.

Samantala, patuloy na nakikipag-ugnayan ang Pambansang Pulisya sa transport groups para mabigyan ang mga ito ng proteksyon at matukoy ang mga lugar na pagdarausan ng protesta upang hindi makaabala sa daloy ng trapiko.

Ang tigil-pasada ay dahil sa nakaambang April 30 franchise consolidation deadline sa ilalim ng Public Utility Vehicle Modernization Program ng pamahalaan.

(JESSE KABEL RUIZ)

93

Related posts

Leave a Comment