OUST MARCOS PLOT HALUSINASYON LANG – ROQUE

TINAWAG ni dating Presidential Spokesperson Harry Roque na “hallucination” ang napaulat na planong pagpapatalsik ng kampo ni dating Pangulong Rodrigo Roa Duterte kay Pangulong Ferdinand Marcos Jr. sa puwesto.

Ang pahayag na ito ni Roque ay tugon sa ibinunyag ni dating Senador Antonio Trillanes III na dahil sa imbestigasyon ng International Criminal Court (ICC) laban kay Duterte kaya may ugong ng planong destabilisasyon sa administrasyong Marcos.

Sa isang press conference, sinabi ni Trillanes na dating mga retirado at aktibong opisyal ng Philippine National Police (PNP) na aniya ay sanggang dikit ni Digong ang kasama sa planong destab para pahiyain ang kasalukuyang administrasyon.

Nagsimula aniya ang “recruitment”noong nakaraang taon subalit wala pang nahihikayat.

Kumbinsido si Trillanes na ang destab plot ay para protektahan si Duterte mula sa pagpapalabas ng warrant of arrest ng ICC kaugnay ng kasong crime against humanity sa kasagsagan ng kampanya laban sa illegal drugs.

Layon umano ng ouster plot na mapatalsik si Pangulong Marcos upang pumalit si Vice President Sara Duterte.

Napag-alaman na posibleng lumabas sa susunod na buwan ang arrest warrant ng ICC laban kay dating Pangulong Duterte.

Sa kabilang dako, napaulat din na humihingi na rin ng tulong ang ICC sa International Criminal Police Organization (Interpol) para maipatupad ang arrest warrant.

Muli namang iginiit ng dating senador ang naunang pahayag na may mga kasapi na ng PNP ang nagbigay ng kooperasyon sa ICC na nagpapatunay na may kinalaman ang administrasyong Duterte sa extra-judicial killings (EJK) noong panahon ng pamumuno nito.

Tinuran pa ng dating senador na nakilala na kung sinu-sino ang mga pasimuno sa planong pagpapabagsak sa gobyerno at may mga hakbang nang ginagawa ang pamahalaan hinggil dito.
Kaugnay nito, agad pinabulaanan ni PNP Chief, PGen. Rommel Francisco Marbil ang pahayag ni Trillanes.

Wala aniyang katotohanan ang mga pahayag ni Trillanes at sa katunayan ay nananatili silang tapat sa Saligang Batas.

Siya man aniya ay nabibiktima ng disinformation o fake news dahil sa mga kumakalat na balitang tatapyasan niya ang mga benepisyong ibinibigay sa mga pulis.

Una nang sinabi ng PNP Chief na kinausap niya mismo ang kanilang matataas na opisyal at tiniyak ng mga ito sa kanya ang kanilang katapatan sa konstitusyon kaya hindi na kailangang magsagawa pa ng loyalty check sa kanilang hanay.

Tinawag naman ni dating Chief Presidential Legal Counsel Atty. Salvador Panelo na isang renegade si Trillanes na ang gusto lamang aniya ay publicity dahil tuluyan na itong nawalan ng silbi sa larangan ng pulitika o naging politically irrelevant na.

(CHRISTIAN DALE)

44

Related posts

Leave a Comment