P100K IPINATONG SA ULO NG KILLER NI JUMALON

BUKOD sa alok na P100,000 para sa sinomang makapagbibigay ng impormasyon para sa pagkakakilanlan at ikadarakip ng mga suspek na responsable sa paglikida kay radio announcer Juan Jumalon alyas “Johnny Walker” ng 94.7 Calamba Gold FM, nakikiusap din ang Philippine National Police (PNP) sa sinomang may nalalaman sa mga nasa likod ng krimen.

Ayon kay PNP chief, P/Gen. Benjamin Acorda Jr., tiyak na bibilis ang imbestigasyon ng pulisya at agad na mareresolba ang kaso ng pagpatay sa radio broadcaster kung makikiisa at tutulong ang publiko.

Kaugnay nito, tinitiyak ng pinuno ng Pambansang Pulisya na mananatiling ‘confidential’ ang kanilang pagkakakilanlan at maaari ring bigyan ng seguridad kung kinakailangan.

Inihayag naman ni Undersecretary Paul Gutierrez, Presidential Task Force on Media Security executive director, may isang concerned citizen ang lumikom ng halagang P100,000 bilang pabuya sa sinomang makapagbibigay ng impormasyon hinggil pagkakakilanlan ng mga suspek.

Magugunitang pinasok at pinagbabaril ng hindi pa kilalang gunman ang biktima sa loob ng kanyang radio booth habang umeere ang kanyang radio program at nakita sa CCTV kung paano siya pinaputukan at hinablot ang kuwintas ng biktima bago tumakas ang suspek.

Samantala, kabilang sa mga anggulong tinututukan ng binuong Special Investigation Task Group, ang awayan sa trabaho at alitan sa lupa base sa salaysay ni Cherebel Jumalon, asawa ng pinaslang na broadcaster.

Inilahad nito na may dalawang kaso na kinasasangkutan ng kanyang mister bago ito nilikida, na kapwa may kaugnayan sa kanyang radio station 94.7 Calamba Gold FM.

Ang unang kaso ay may kaugnayan umano sa negosyo. “Kumpetensya sa negosyo sa radio station… Hindi nila matanggap na mayroon radio station dito sa Calamba,” ayon sa ginang.

Habang ang ikalawa ay may kaugnayan sa land dispute, kung sino ang nagmamay-ari ng lupang kinaroroonan ng radio station na nasa loob ng Jumalon residence sa Barangay Don Bernardo A. Neri.

“Yung sa radio station, sa lot namin nag-file kami ng case ng falsification of public documents dun sa [Regional Trial Court-Oroquieta], ‘yung nag-file ‘yung husband ko kasi po ‘yung lupa namin dito ‘yung nakapirma sa deed of sale puro matagal nang namatay,” ani Mrs. Jumalon.

Hindi rin naniniwala ang asawa ni “Johnny Walker” na may naka-away ito dahil sa trabaho dahil fully entertainment ang flat form ni Jumalon na napag-alamang isang PWD na biktima ng polio at hindi nakalalakad nang walang saklay.

“Sa kanyang programa is purely entertainment lang, basa ng greetings ng text messages sa mga kaibigan at public service and endorse ng herbal products. Hindi siya nagkokomentaryo against sa mga tao, talagang plain entertainment lang,” kaya marami umano itong mga kaibigan.

(JESSE KABEL RUIZ)

238

Related posts

Leave a Comment