P150 WAGE INCREASE BIBILANG NG TAON SA WAGE BOARD

MONEY

POSIBLENG maghintay ng sampung (10) taon ang mga manggagawa sa pribadong sektor bago makamit ang hinihingi ng mga ito na P150 umento sa kanilang sahod kung ipauubaya ang desisyon sa mga regional wage board.

Ito ang pahayag ng Trade Union Congress of the Philippines (TUCP) na kinakatawan ni Rep. Raymund Democrito Mendoza sa Mababang Kapulungan ng Kongreso.

“Congress is the ultimate hope for P150 wage increase,” ayon sa grupo ni Mendoza kaya dapat aniyang ipasa ng Kongreso ang nasabing panukala sa halip iasa sa mga regional wage board.

Ipinaliwanag ng grupo ni Mendoza na aabutin ng 10 taon bago madagdagan ng P150 ang sahod ng mga manggagawa dahil taon-taon ay P15 lang ang umentong ibinibigay lalo sa National Capital Region (NCR).

Sa ngayon ay nakabinbin pa sa House committee on labor and employment ang mga panukalang batas para itaas ng P150 ang sahod, hindi lamang ng mga manggagawa sa Metro Manila kundi sa buong bansa.

Mas mataas ito ng P50 kumpara sa P100 na pinagtibay ng Senado subalit hindi maipatupad dahil hindi pa naipapasa ng Kamara ang kanilang hiwalay na bersyon.

Kasabay nito, inayunan ni Mendoza ang direktiba ni Pangulong Ferdinand “Bongbong” Marcos Jr., sa mga regional wage board na pag-aralan ang kanilang polisiya sa pagtataas ng sahod ng mga manggagawa sa bawat rehiyon.

Patunay lamang umano ito na depektibo ang polisiya ng mga regional wage board kaya hindi makaahon sa kahirapan ang mga manggagawa sa bansa.

(BERNARD TAGUINOD)

35

Related posts

Leave a Comment