P2.3-B INVESTMENT NG GSIS NALUSAW

ISINUGAL ng Government Service Insurance System (GSIS) ang pera ng government employees na umaabot sa P2.308 billion sa mga kumpanyang hindi kumikita sa nakaraang tatlong taon.

Dahil dito, inihain ng Makabayan bloc sa Kamara ang House Resolution (HR) 1705 para imbestigahan ito lalo na’t P183.6 million sa nasabing halaga ang lugi sa kanilang biniling stocks sa tatlong kumpanya pa lamang.

“We need to investigate these investments and ensure that the GSIS is transparent and accountable in its dealings. We must protect the pension funds of our government employees and workers from inefficient and/or corrupt practices,” ani House deputy minority France Castro.

Ginawa ng grupo ang nasabing resolusyon dahil base sa Commission on Audit’s Office of the Supervising Auditor (COA OSA) report, umaabot sa P2.308 Billion ang biniling stock ng GSIS sa nakaraang tatlong taon subalit hindi kumita.

“The GSIS invested a total of P2.308 billion in stock of Alterenergy Holdings Corporation, SP New Energy Corporation and Bank of Commerce which have no proven track record of profitability over the last three years and payments of dividend at least once over the period..,” paliwanag sa nasabing resolusyon.

Pinakamalaking investment umano ng GSIS ay inilagak sa Alterenergy Holdings Corporation na umaabot sa P84,999,680 noong Marso 13, 2023 at karagdagang P1.450,000,000 noong December 15, 2023.

Umaabot naman umano sa P472,920,000 ang biniling stock ng GSIS sa SP New Energy Corporation noong Marso 22,2022 at P300,000,000 naman sa Bank of Commerce noong Marso 16, 2022.

Gayunman, maliban sa Bank of Commerce ay wala umanong record na kumita ang mga nabanggit na kumpanya sa nakaraang tatlong taon at walang naibigay na dividend sa mga kanilang stockholders.

Dismayado ang mambabatas dahil habang walang pakundangan ang GSIS na maglagak ng investment sa mga hindi kumikitang kumpanya ay napakahigpit ng mga ito sa kanilang mga miyembro na umuutang mula sa kanilang kontribusyon.

Kabilang din sa pinaiimbestigahan ang hindi makatarungang interest at penalties sa mga may utang na miyembro na naging dahilan para lumiit ang kanilang retirement benefits.

(BERNARD TAGUINOD)

53

Related posts

Leave a Comment